Una sa Balita

Karma kay Romasanta

By
0 542

Marami ang nagsasabing karma ang nangyari kay Joey Romasanta at sa grupo ng karate na kanyang pinamumunuan. Isa ako sa mga naniniwala d’yan.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na kaya lang nabuo ang grupo ni Romasanta ay dahil hindi bumoto ang karate association na dating kinikilala ng Philippine Olympic Committee kay Jose Cojuangco Jr. sa POC elections maraming taon na ang nakaraan.

Alam n’yo naman kung papaano mag-operate ang grupo ni Cojuangco – kapag hindi ka kampi sa kanya ay maghanda ka na dahil babalikan ka niya.

Pero nabuko ng lahat kung papaano mag-operate ang karate group ni Romasanta, lalo na nang mag-trai­ning ang mga karateka sa Europe bago ang Southeast Asian Games na ginawa sa Kuala Lumpur.

Hindi ibinigay ang buong allowance ng mga karateka kaya nagreklamo ang mga ito at nakarating ang kanilang reklamo sa international federation ng karate. Kaya ang nangyari, binawi ng IF ang recognition sa grupo ni Romasanta.

Pumayag si Romasanta na ang POC muna, sa pangunguna ni Ricky Vargas, ang mamahala sa training ng mga karateka habang inaayos nila ang gusot sa IF. Pero alam ng lahat kung ano ang mangyayari – hindi na ibabalik ng IF ang re­cognition nito sa grupo ni Romasanta at magkakaroon ng bagong grupo ng karate na kikilalanin ng POC at bibigyan ng suporta ng Philippine Sports Commission. At mababaon na sa limot ang grupo ni Romasanta.

Ang tanong ng marami ay kung ano ang mangyayari sa mga asosasyon na hindi bumoto kay Vargas sa nakaraang POC election. Ganuon din ba ang mangyayari sa kanila? Hahanapan din ba sila ng butas para maging daan para magbuo ng ibang national sports association? Sana naman ay hindi.

Labing-anim (16) na NSA ang hindi bumoto kay Vargas noong nakaraang eleksyon. Natural, umaasa ang pamunuan ng mga ito na kakalimutan na ang nangyari at bibigyan sila ng pagkakataon na patunayang handa silang maging team player. Sabi nga, nasa kampo ni Vargas ang bola ngayon at sila ang nagdi-dribble.

Wala pa naman tayong naririnig na pagkilos laban sa mga NSA na hindi bumoto kay Vargas. Sana ay manatiling ganito. Dahil walang mangyayari kung puro bengansa ang gagawin at hindi ang mandato na pagandahin ang takbo ng isport sa bansa.

Samantala, sini­guro naman ng PSC na susuportahan nila ang mga karateka sa training ng mga ito para sa Asian Games na gagawin sa Indonesia sa Agosto. Parehas ang PSC sa mga ganitong usapin. Kawawa naman ang mga karateka kung madadamay sila sa karmang dumapo kay Romasanta at sa kanyang mga kasama sa grupo ng karate na kanilang pinamumunuan.