Una sa Balita

Kargada ni Taulava, magagamit ni Guiao

By
0 741

SA edad 45, si Asi Taulava ang pinaka-senior sa pool ni coach Yeng Guiao ng Phi­lippine team na isasabak sa men’s basketball competitions ng 2018 Asian Games sa Indonesia ngayong buwan.

Una ay inakala pa ni Asi na lokohan ang pagkakasabi sa kanya, pero nang i-check ang social media ay nabulaga nang makita ang pangalan sa 14-man pool ni Guiao na coach niya sa NLEX.

“Reason (kaya) sinama namin si Asi is maybe for 5 or 6 minutes a game or may be a little more, we have a big body that can relieve ‘yung mga big men natin in guar­ding ‘yung mga 7-footer ng kabila,” paliwanag ni Guiao. “That will be his role and that will be where he’s going to be useful.”

Si Asi na pinakamatanda na ring aktibo pa sa PBA sa kasalukuyan ay babalik sa Asiad pagkatapos ng stint niya noong 2002 at 2010. Ilang beses na siyang naglaro sa National team, huli noong 2011 FIBA Asian Championship. 

Naging miyembro rin siya ng 2009 national team ni Guiao, kasama ni James Yap na muli ring tinapik ng coach galing core ng Rain or Shine, kasama sina Beau Belga, Gabe Norwood, Raymond Almazan, Maverick Ahanmisi at Chris Tiu.

Kukumpleto sa team sina Stanley Pringle ng GlobalPort, dating mga player ni Guiao sa Elasto Painters na sina Paul Lee ng Magnolia at Don Trollano ng TNT, Poy Erram ng Blackwater, Christian Standhardinger ng San Miguel, at mga Gilas cadet Kobe Paras at Ricci Rivero.

Bukod sa kanyang big body ay may isa pang aspeto ng laro ni ‘Ageless Asi’ na gustong ilabas ni Guiao.
“Si Asi ngayon three-point shooter na eh,” basag ni Guiao na sinundan ng tawa. “Baka makapag-contribute siya ng ilang three-point shots sa atin.”

Mukhang pangangatawanan din ito ni Asi dahil naghahasa na sa tulong ng alamat na si Jimmy Alapag.

“To my Brother the Le­gend Coach @jalapag3 thank you for taking time out of your busy day to come work me out with my shots,” caption ni Asi sa Instagram post niya ng picture nila ni ­Alapag.