Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Karangalang maglingkod

0 108

Isang napakalaking karangalan ang tumanggap ng parangal at pagkilala mula mismo sa Presidente ng Pilipinas.

Nitong Huwebes, June 16,2022 ay personal na ginawaran ng parangal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang miyembro ng kanyang gabinete at ilang opisyal na nagbigay ng malaking kontribusyon sa pagsulong at pag-angat ng bansa.

Isa po tayo sa mapalad na nakatanggap ng Presidential Medal of Merit sa Malacanang na personal mismong iniabot sa atin ni Pangulong Duterte.

Ang Presidential Merit Award ay isa sa Pinaka-mataas na award na ibinibigay ng Pangulo ng Pilipinas sa mga piling indibidwal bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at kontribusyon sa lipunan at sa pagsulong ng bansa.

Nagpapasalamat po ako kay Pangulong Duterte sa parangal na ito bilang pagkilala sa mga nagawa at naisulong nating mga pagbabago sa larangan ng komunikasyon sa gobyerno.

Iniaalay ko ang award sa lahat ng aking mga kasamahan sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) na masigasig na nagtatrabaho at nagbibigay ng serbisyo para maipaabot ang mensahe ng gobyerno sa publiko lalo na są panahon ng pandemya.

Gusto ko rin pong pasalamatan ang aking pamilya, lalo na ang aking kabiyak na si Alelee sa pang-unawa at buong suportang ibinigay sa akin simula pumasok ako sa gobyerno para maglingkod sa Duterte Administration at sa sambayanang Pilipino.

Nais ko rin pong batiin si Senador Bong Go na binigyan ng Order of Lakandula ni Pangulong Duterte na ranggong Grand Cross at Order of Lapu-Lapu na may ranggong Magalong.

Hindi po biro ang hamon na dinatnan natin noong 2016 sa government media communications kaya naman pag-upo po natin ay sinimulan natin ang mga pagbabago hindi lamang sa nadatnan nating sistema kundi sa modernisation ng mga kagamitan ng mga ahensiyang sakop ng PCOO at mga imprastrukturang makakasabay sa pribadong news entities.

Mahalaga po ang komünikasyon ng gobyerno para maipaabot sa mamamayan ang mga ginagawa ng Duterte Administration kaya isa sa mga tinutukan natin ay ang paghahatid ng mga tunay na impormasyon sa publiko at malabanan ang talamak na pagkalat ng fake news na kagagawan ng mga grupong laging kontra sa pamahalaan.

Sa loob ng nakalipas na liman taon, nailarga po natin ang isang world-class na government information and communications agency sa pamamagitan ng digitization, infrastructure development at mga polisiyang lalong nagpaigting sa mas epektibong paghahatid ng makabuluhan at makatotohanang impormasyon sa mga Pilipino.

Tapos na po ang mga panahong pupugak-pugak ang mga antigong kagamitan sa radyo at telebisyon ng gobyerno dahil napalitan na ang mga ito ng state of the art na mga gamit na lalong nagpadali sa trabaho ng mga kawani.

Bukod sa mga biniling bagong mga kagamitan, nagpapasalamat tayo sa ibang mga bansa gaya ng China at iba pang bansa na nagbigay ng mga kagamitan at nakipag-partner sa atin para sa mas pinalakas na ugnayan hindi lamang sa bansa kundi sa ibang mga bansa.

Bukod po diyan, ginamit natin ang digital communications ng PCOO para sa serbisyo publiko sa pamamagitan ng kapangyarihan ng social media at hindi po tayo nabigo dahil mula sa dati na walang pumapansin sa mga ginagawa ng gobyerno ay milyon-milyong Pilipino na ngayon ang sumusubaybay, nanonood at interesado sa mga makabuluhang impormasyon at mga ginagawang programa ng gobyerno.

Kabilang sa mga legacy o pamanang iiwan ng PCOO sa mga tao at maipagmamalaki kong nagawa natin sa loob ng anim na taon ay ang Mindanao Media Hub na naghahatid ng de-kalidad na mga impormasyon at mga programamg pinakikinabangan na ngayon ng mga taga-Mindanao.

Nariyan din po ang ginagawang Visayas Media Hub at ang Government Communications Academy na inasahang maitutuloy ng susunod na administrasyon para mas mapahusay at mapaangat ang kalidad ng serbisyo at imposmayon sa mga tao.

Huwag din nating kalimutan ang Freedom of Information -Project Management Office na itinatag ni Pangulong Duterte sa pamamagitan ng Executive Order no.2 series of 2016 na may mandatong ibigay ang karapatan ng mamamayan na malaman ang mga impormasyon at mga polisiya ng estado.

Ilang beses na isinalang sa Kongreso ang Freedom of Information Bill subalit hindi ito nakakuha ng suporta sa mayorya ng mga mambabatas kaya naglabas ang Malacanang ng EO para sa kahalintulad na layunin. Sa Ilalim lamang ng Duterte Administration nagkaroon ng katuparan ang Freedom of Information.

Isa sa malaking ambag ng PCOO sa panahon ng pandemya na tumatak sa publiko ay ang inilusad na Laging Handa Crisis Communication Platform para maghatid ng mga impormasyon at sa ginagawang pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.

Isa itong napaka-epektibong hakbang ng PCOO dahil araw-araw mula Lunes Hanggang Sabado ay nabibigyan ng tamang impormasyon ang publiko są pamamagitan ng mga eksperto at mga opisyal ng gobyerno sa mga dapat malaman patungkol sa laban ng pamahalaan at ng sambayanan sa COVID-19 na umatake sa maraming Piipino at maging sa buong mundo.

Mayroon din po tayong isinulong na communications partnerships sa ibang mga ahensiya ng gobyerno para mga isyung mahalaga kay Pangulong Duterte Kabilang na dito ang partnership sa Presidential Task Force for Media Security, National Task Force patungkol sa West Philippine Sea at ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Hindi po mangyayari at magkakaroon ng katuparan ang lahat ng ito kung hindi dahil na rin sa suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya hindi sapat ang pasasalamat lamang dahil binigyan tayo ng pagkakataon na maipakita ang tunay na pagbabago sa larangan ng komunikasyon na tinatamasa na ngayon at napapakinabangan ng maraming Pilipino.

Muli, maraming maraming salamat po Pangulong Rodrigo Duterte sa tapat at tunay na serbisyo mo sa sambayanang Pilipino!

Leave A Reply

Your email address will not be published.