Una sa Balita

Karagdagang tulong para sa mga solo parent, isulong natin

By
0 90

Napakahirap gampanan ang parehong papel bilang nanay at tatay sa ating mga anak. Napakabigat ang res­ponsibilidad na nakaatang sa balikat ng mga solong magulang o ang tinatawag na solo parent, lalong-lalo na sa ating lipunan.

Kung ang magkatuwang na mag-asawa nga ay nahihirapan pa kadalasan sa pagtataguyod ng kanilang pamilya, ano pa ang hirap na inaabot ng mga solo parent?

Saludo ako sa tapang, dedikasyon at tiyaga ng mga solo pa­rent sa buong mundo. Hindi biro ang ating sakripis­yo na mag-isang akuin ang mga obligasyon sa pagpapalaking mag-isa ng ating mga anak. Hindi alintana ng mga solo parent ang pagod sa mag-isang pagtataguyod ng ating pamil­ya. Karamihan nga sa atin, ngiti at yakap lamang ng mga anak ay sapat na upang pawiin ang ating takot at ­pangamba.

Noong 2015, tinatayang may tatlong milyong solo parent sa bansa ayon sa Philippine Statistics Admi­nistration (PSA). At sa tatlong milyon na ito, dalawang milyon dito ay kababaihan.

Mga ilaw ng tahanan na tumatayo na rin bilang haligi at pundasyon ng ating pamilya.

Ang kanilang mga pangunahing mga tanong: Aabot pa kaya ang budget hanggang sa susunod na linggo? May pambayad kaya ng tuition sa susunod na buwan? Kaya pa bang i-stretch ang pambaon sa mga anak? Paano na ang pambayad sa tubig at kuryente?

Malaking tulong sa atin ang kasaluku­yang batas na Republic Act No. 8972 o mas kilala sa tawag na ‘Solo Parents Act’ subalit batid ko na may mga kulang pa rito upang tugunan ang mga pa­ngangailangan ng mga solo parent para sa pagpapalaki ng ating pamilya.

Nitong nakaraang linggo ay inihain ko sa Senado ang Senate Bill No. 1936 o ang pag-amyenda sa kasalukuyang Solo Parents Act upang mapalawak ang benepisyong natatanggap ng mga solo parent sa bansa.

Isa sa mga amyenda na inihahain natin ay ang pagpapalawak ng depinisyon ng solo pa­rent. Isasama na rito ang mga asawa ng mga low at semi-skilled overseas Filipino worker na hindi bababa sa isang taong wala sa bansa.

Pinapanukala rin ng SB 1936 na bigyan ng diskwento ang mga solo parent at ating mga anak sa ating mga medikal na bayarin, pati na ang pagbabayad ng matrikula sa mga eskwelahan.

Pag naisabatas ang panukalang ito, magkakaroon na ng mga Solo Parents Affair Offices sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa upang matugunan kaagad ang mga pa­ngangailangan ng ating kababayan.

Bukod pa rito, imamandato rin ng panukalang ito ang pagkakaroon ng mga day care facility sa mga kompanya at tanggapan na may hindi bababang 100 na mga empleyado. Ito ay para mabigyan ng ayuda ang mga solo parent sa pag-aalaga sa ating mga anak.

Hindi madaling magpalaki ng mga anak, lalong-lalo na kung ikaw ay walang katuwang sa buhay. Nararapat lamang na magbigay ng tulong ang gobyerno upang mapunan ang mga gap sa pangangailangan ng ating kababayan.