Una sa Balita

Kapritso ni Albayalde?

By
0 806

Tama lang ang ginagawa ni Director Oscar Alba­yalde, hepe ng National Capital Region Police Office na mag-inspeksiyon sa lahat ng ‘police station’ sa Metro Manila.

Isa lang ito sa mga tungkulin ni Albayalde para masiguro na laging gising ang kanyang mga tauhan na naka-duty, lalo na kung gabi.

Ang tanong, gagawin kaya ito ni Albayalde kung wala siyang kasamang media lalo na ang mga nasa telebisyon?

Nais ko lang linawin, hindi ko kinakampihan ang mga pulis nahuling natutulog sa ‘pansitan’. ‘Caught in the act’ sila, ika nga.

Ang kapuna-puna ay ang pamamaraan ng pagpapahiya sa kanila. Huli sa ‘video’ ang pa­nenermon ni Albayalde sa mga pupungas-pungas na pulis.

Dapat lang parusahan ang mga pulis na nagkasala, ngunit ang ipahiya sa ‘national TV’ ay ibang usapan na.

Hindi batayan ang pagtaas ng sahod para ipahiya sa publiko ang pumalpak na pulis.

Kasama na ba sa ‘ma­nual’ ng Philippine National Police na ipahiya sa telebisyon ang mga pumalpak na pulis?

***

Gaano katotoo ang impormasyon na ayaw isama ni Albayalde sa kanyang pag-iikot sa gabi ang mga reporter ng radyo at dyaryo?

Baka raw kasi masunog ang kanyang ­operasyon.

Seryoso ba talaga si Albayalde sa operasyong ito o ‘kapritso’ lang ito?

Bakit kailangan pang magsama ng media, pili pa?

Nagtatanong lang, Director?

***

Pormal na inilunsad ng gobyerno ang programang ‘Malasakit Center’ na ang pangunahing mithiin ay tulungan ang mga naospital lalo na ang mga mahihirap.

Padadaliin ng ‘Malasakit Center’ ang pagproseso sa dokumento ng mga mahihirap na pasyente na humihingi ng tulong-pinansiyal at medikal sa mga ahensiya ng gobyerno tulad ng PCSO, Pagcor, DOH, DSWD at PhilHealth.

Magandang ‘Valentine’s gift’ ito sa mga nagkakaproblema sa pambayad sa ‘hospital bill’ at pambili ng gamot.

‘Wag sanang matulad ang programang ito sa mga naunang programa ng gobyerno na naging ‘ningas cogon’.