Una sa Balita

Kapitana, 4 pa sugatan sa pananambang

0 224

Leyte

KRITIKAL ang kondisyon ng dalawang katao, habang tatlo pa ang sugatan kabilang ang barangay chairwoman na walang habas na pinagbabaril ng hindi pa kilalang mga suspek habang lulan ang mga biktima ng sports utility vehicle (SUV) Linggo nang gabi sa bayan ng Jaro sa lalawigan ng Leyte.

Ayon kay P/Capt. Arnel Seregumba, hepe ng Jaro Municipal Police Station, nasa malubhang kalagayan ang mag-asawang Leopoldo, 44-anyos, at Ailen Po, 40, matapos na parehong magtamo ng tama ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa ulo.

Sugatan din ang iba pa na sina Estrella Geraldo, 62, kapitana ng Barangay San Pedro sa ba­yan ng Tu­nga, Leyte; asawang si Wilfredo, 62; Rachel Cuña, 27, habang suwerteng hindi naman natamaan ang dalawang anak ng mag-asawang Geraldo.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-sais nang gabi sa kahabaan ng highway sakop ng Jaro. Nabatid na pauwi na sana sa bayan ng Tu­nga ang grupo ng kapitana nang pagbabarilin ang mga ito ng mga hindi pa kilalang suspek sa Brgy. Hibucawa.

Mabilis namang nadala sa Divine World Hospital sa Tacloban City ang mga sugatang biktima kung saan nasa malubhang kalagayan ang mag-asawang Po.

Patuloy ang imbestigasyon hinggil sa insidente habang tinitignan ng pulisya kung nakuhanan sa CCTV ang mga dinaanang kalsada ng mga sala­rin. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy