Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kapitan, 2 pa sumambulat sa dinamita

0 150

Sugatan ang tatlong mangingisda, kabilang ang isang kapitan ng barangay, matapos ma­sabugan ng dinamita na kanilang ginagamit sa ilegal na pangingisda, Miyerkoles ng umaga sa karagatang sakop ng bayan ng Zumarraga, Samar.

Kinilala ang mga sugatang biktima na sina Elino Sobrino, 58, kapitan ng barangay Maputi ng nasabing bayan, Fernan Hinundayan, 24, at 16-anyos na binatilyo, pawang mga residente ng Barangay Maputi ng bayang ito.

Sa ulat ng pulisya, kasalukuyang nasa laot ang mga mangingisda at nagsindi ng dinamita si Sobrino subalit aksidente itong sumabog dahilan upang masabugan ang tatlo na sakay ng bangkang de motor.

Mabilis namang naisugod sa Samar Provincial Hospital ang mga biktima subalit agad na inilipat sa Eastern Visayas Medical Center si Sobrino dahil sa malalang kalagayan niya dahil siya ang direktang nasabugan ng dinamita.

Nabatid na paulit-ulit na ang ginagawang babala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) hinggil sa pagbabawal ng dynamite fishing dahil bukod sa nasisira ng pagsabog ang mga korales na tirahan ng mga isda sa ilalim ng dagat ay nadadamay pa pati ang maliliit na isda.

May karampatang pagkakakulong din mula 5 hanggang 10 taon, at multang hindi bababa sa P300,000 hanggang P3 milyon ang sinumang mahuhuling nagda-dynamite fishing, ayon pa sa BFAR. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.