Una sa Balita

Kapit-tuko sa puwesto

By
0 1,142

Nitong Lunes ay pinaboran ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na ipagpaliban ang Ba­rangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Pinagbotohan ng mga miyembro ng komite ang panukala sa pagpapaliban ng halalang pambarangay.

Sa botong 14-2 ay inaprubahan ang mga panukala na i-postpone ang Barangay at SK elections na orihinal na itinakda ngayong Mayo 14, 2018.

Sa pangalawang round ng botohan, 17-0 naman ang pumabor na itakda sa ikalawang Lunes ng Oktubre 2018 ang barangay elections na pumatak sa petsang Oktubre 8, ng kasalukuyang taon.

Tinalakay sa pagdinig sa pangunguna ng chairman ng komite na si CIBAC Party-List Rep. Sherwin Tugna ang apat na panukala na pumupuntiryang ipagpaliban ang halalang pambarangay kabilang ang House Bill (HB) Nos. 7072, 7128, 7167, at 7217 na pumupuntiryang am­yendahan ang Republic Act (RA) 9164.

Ayon kay Tugna, posibleng lumusot na sa second reading ang panukala ngayong Martes bago tuluyang aprubahan sa third at final reading sa susunod na linggo o bago mag-break ang Kongreso.

Ilang beses nang ipinagpaliban ang Barangay elections kaya sakaling nakalusot muli ang suspension ng eleksiyon ay pangatlong beses na itong mapo-postpone.

Nakadagdag pa ng eksena sa pagdinig nitong Lunes sa Kamara ay ang girian ng ilang kongresista at ilang opisyal ng barangay na dumalo sa pagdinig.

Nakakabahala ang mga pangyayaring ito dahil lumalabas na ipaglalaban nila ang kanilang poder.

Ang sa akin, dapat ay maresolba na ang usaping ito sa Barangay election.

Tama na ang pag-uurong sulong sa Ba­rangay election. Sayang ang effort ng ilang ahensiya ng ating gobyerno na kumikilos para paghandaan ang eleksiyon.

Kung talagang isususpende, gawin na ito sa lalong madaling panahon dahil malapit na ang Mayo na puntirya kung kalian idaraos ang eleksiyon.

Kung itutuloy naman ang eleksiyon ay ideklara na para maayos na ang lahat at maging handa na rin ang taumbayan sa pagpili ng nararapat nilang kandidato.

Higit sa lahat ay upang mapalitan na ang mga opisyal ng barangay na napaka­tagal na sa puwesto at ginagamit lamang ang kanilang poder sa paggawa ng kalokohan upang maisulong ang pansariling interes.