Una sa Balita

Kapatirang Lasalyano sa pagsubok, pag-ahon

0 425

Noong Miyerkoles, ginunita ng De La Salle University ang eksaktong 75 taong guning pagpaslang sa mga martir ng De La Salle College noong 12 Pebrero 1945. Dahil sa kanilang pa­nanatili sa kanilang gusali upang arugain ang mga sumilong na mga ordinaryong tao, nabiktima sila nang pagmasaker ng mga Hapones sa buong Maynila. Sa 68 tao, 41 ang namatay, 16 mga brothers at 25 lay civilians.

Noong nakaraang taon, nakita na ng DLSU History Department Chair na si Dr. Ma. Florina Orillos-Juan ang kahalagahan ng ika-75 taong paggunita kaya nagsimula na siyang mangulit sa institusyon. Kinalaunan, nabuo ang komite na nagsagawa ng “Tribute to our Martyrs.” Sa tulong ng pamunuan ng pamantasan, inayos ang wine cellar na isa sa pinagganapan ng masaker at ang marmol na La Salle Cornerstone Marker na inilagak doon noong 1920. Sa tulong ng Bro. Marvin Castillo, FSC Library and Archives, nagkaroon ng eksibit ng mga lumang larawan masaker.

Nagsimula ang araw sa pamamagitan ng ika-pitong taon ng aking Lasallian Heritage Tour. Pinasinayaan din ang isang Memorare marker na kaloob ng National Historical Commission of the Philippines. Matapos ang isang lektura ng historyador ng La Salle na si Jose Victor Jimenez (na kasama kong naging konsultant sa marker), nagkaroon ng isang konsyerto na pinamagatang “Gunita ng Kapatirang Lasal­yano: Pagsubok at Pag-ahon,” na sinulat ni Jose Victor Torres at idinerehe ni Raffy Tejada, kung saan, kasama si Elijah Gabriel Flores at ang iba’t ibang grupong kultural ng La Salle ay nagtanghal ako bilang isang historyador at bilang si Bro. Flavius Leo, FSC ang unang nasawi. Matapos ang isang misang paggunita, nag-alay ng bulaklak ang komunidad sa Brothers’ Memorial Garden.

Noong pagtatanghal aking sinabi, “…Nakakalungkot dahil may mga tao akong narinig na hindi masyadong proud na Lasalyano sila. Ito lang ang masasabi ko sa kanila: Sagrado ang pamantasang ito, sapagkat diniligan ito ng dugo at kabayanihan ng ating mga martir. Ang pagpapatuloy at pagpupunyagi ng pamantasan ay pamana ng kapatirang Lasalyano, sa pagsubok at pagbangon. Ang DLSU na ngayon ang nangungunang private university sa bansa.

“Pero kahit gayon ­tulad nang pag-aruga at pag-aalay ng buhay ng Kapatirang Lasalyano para sa mga sumilong sa mga bakurang ito: Patuloy itong nagtuturo ng mga kaisipan at humuhulma ng mga puso ng mga Lasalyano; patuloy ang pagtanggap ng La Salle sa kanyang mga maralitang iskolar; patuloy ang paglilingkod at pagtuturo sa mga nasa kanayunan; patuloy nating pinakikinggan ang mga manggagawa at magsasaka; patuloy nating pinatutuloy ang mga Lumad at nasa laylayan; patuloy nating dinadamayan ang mga nasalanta ng mga sakuna. At kahit ano pa ang itawag sa atin: Patuloy tayong nakikisangkot sa mga isyung panlipunan at nakikibaka para sa mas maginhawang bayan.

“75 taon ang nakalilipas, ikaw at ako, kayo, iisa lang tayo, ONE LA SALLE! TAYO ANG KAPATIRANG ­LASALYANO!”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More