Una sa Balita

Kapalpakan ng Cebu Pac

0 471

Lalong nalantad sa publiko ang mga kapalpakan sa serbisyo ng Cebu Pacific sa kanilang mga pasahero dahil sa pagdinig ng House committee on transportation.

Pinag-usapan ang isyu sa kalagayan ng mga paliparan sa bansa at naungkat ang mga problemang kinakaharap ng mga pasaherong tumatangkilik sa naturang airline company na pag-aari ni Lance Gokongwei.

Hindi ginagamit ang passenger bridge para sana maging komportable ang kanilang mga pasahero lalo na ‘yung mga senior citizen, may sakit at kapansanan. Hindi nagre-refund kapag hindi umabot o nakasakay sa oras ng kanilang flight ang isang pasahero. Pati ang terminal fee, hindi rin isinasauli.

Related Posts

Kung tutuusin ay hindi na bago ang mga isyung ito. Matagal na ring pinupuna ng publiko ang pagtrato ng Cebu Pacific sa mga sumasakay sa kanilang mga eroplano. Lalo na kapag nagkakaroon sila ng delayed flight na hindi inaasikaso nang mabuti ang kanilang mga pasahero. Pero walang aksiyon na ginagawa ang mga kinauukulan partikular ang mga ahensiyang may kinalaman sa transportasyon.

Kailangan talagang madisiplina ang mga ganitong airline company dahil kaya naman sila yumayaman ay dahil tinatangkilik ng publiko ang kanilang mga eroplano. Dapat lamang na tumbasan din nila ito ng maayos na serbisyo.

May mga direktiba ang liderato ng Kamara sa Manila International Airport Authority (MIAA) para ayusin ang mga problema sa paliparan at mga airline company sa loob ng 45 araw. Malalaman natin kung ano ang magiging aksiyon dito ng MIAA.