Una sa Balita

Kapakanan ng taumbayan

0 422

Maunawaan sana ng ating mga kababa­yan ang pagpapairal ng temporary travel ban sa mainland China, Hong Kong, Macau at Taiwan. Ginawa lamang ito ni Pangulong Rodrigo Duterte upang pangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan.

Alam nating mara­ming overseas Filipino worker (OFW) ang apek­tado ng travel ban. Tinatayang 140,000 Pinoy ang nagtatrabaho sa Hong Kong. Ganito rin halos ang bilang ng mga nagtatrabaho nating kababayan sa Taiwan.

Mahal ng Pangulo ang mga OFW. Sa tuwing may state visit ito, laging nasa kanyang itinerary ang pakikipagsalamuha sa Filipino community kaya naman lalo siyang minahal ng mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa.

Pero kaila­ngan niyang magdesisyon upang mapigilan ang pagkalat ng 2019 novel coronavirus na nga­yon ay tinatawag nang COVID-19.

Tatlo na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, pero dalawa sa kanila ay nagnegatibo na. Isang Chinese naman mula sa Wuhan ang namatay noong Pebrero 1. Kung hindi agad nagpatupad ng travel ban ang Pa­ngulo, baka hindi lang ito ang bilang ng virus carrier na nakapasok sa bansa.

Sa mga kababayan nating hindi makabalik sa kanilang trabaho sa abroad, mayroon namang binibigay na tulong pinansiyal ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Sa aking pagkakaalam, tinata­yang 80 Bikolano OFW ang makakatanggap ng tig-P10,000. Kung aabot ng pasukan ang travel ban na sana ay hindi naman mangyari, handa rin ang OWWA na magkaloob ng scho­larship grant sa mga dependent.

Ganito kamahal ni Pangulong Duterte ang mga OFW. Kahit nga may umiiral na lockdown sa Wuhan, China na siyang epicenter ng COVID-19 na kumitil ng higit 1,000 katao, sinaklolohan niya ang 32 Pinoy na gustong umuwi sa bansa. Nga­yon ay sumasailalim na sila sa 14 day quarantine sa Athlete’s Village sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Umapela na rin si Pangulong Duterte sa publiko na maging kalmado sa banta ng COVID-19. Nakiusap ito sa mga Pinoy na sundin ang tamang hygiene tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagtatakip ng bibig sa pagbahing at ang pagsusuot ng face mask kung inuubo.

Tulad ng aking sinabi noong nakaraang linggo, sinabi rin ng Pangulo na huwag maniniwala sa mga haka-haka sa social media. Ang dapat paniwalaan lamang ay ang abiso ng Department of Health at ng World Health Organization.

Baka naman sa pag-apela ng Pangulo, may masabi na naman ang mga kritiko. Hindi ito ang panahon para pumuna o manisi. Ito ang panahon para magkaisa tayong lahat upang labanan ang banta sa kalusugan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More