Una sa Balita

Kapag nagipit sa patalim kakapit

By
0 220

Halos nasa kalagitnaan na ang buwan ng Set­yembre at kahit kandakuba na si Juan dela Cruz dahil sa mataas na presyo ng bilihin, matinding trapik sa kalsada at pahirapan sa pagsakay lalo kung ‘rush hour’, pauwi ng bahay, positibo pa rin ang pananaw, kahit paano ang ‘ber months’ ay may dalang ginhawa. Ang ‘christmas bonus’ naaamoy na.

Hindi pa man natatanggap, ang ‘bonus’ nai-bad­yet na. May pinaglalaanan na, huwag lang magkaroon nang biglaang gastusin tulad ng ‘emergency’ sa pamilya, sigurado ang Pasko ‘merry ‘ na.

***
Ang pagiging matiisin ng mga Pinoy ay nakatulong para maka-survive sa mga unos, tulad ng mga nagdaang kalamidad- heto may paparating pang isa, huwag naman sanang maging mapaminsala.

Ang pananalasa ng TRAIN Law, na ayon sa gobyerno ay hindi naman dapat sisihin sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang bayarin, ay tala­gang nadama ng mga napakaraming Pilipino lalo na ang mga ara­wan lang ang kita, mga nakatatanda at walang pirmihang kita.

Palibhasa madiskarte ang Pinoy, kahit paano ang bangis at lupit ng ‘mataas na bilihin’ ay nakayanan. Ang tanong hanggang kailan?

Madasalin ang mga Pilipino. Ang ‘support system’ sa lahing Pilipino ay nanatiling matatag, kaya’t kahit hirap, nakukuha pa ring ngumiti, kahit pabalatkayo.

Marahil ang ‘support system’ na ito ang isa sa mga dahilan kung bakit walang nababalitang Pinoy ang nagpakamatay dahil sa naburyong o nawalan ng pag-asa sa buhay. Hindi katulad sa ibang bansa, ang ‘suicide rate’ ay mataas dahil ang mga nagpakamatay ay walang makuhang suporta mula sa pamilya.

***
Marahil ang ‘support system’ na ito ay maituturing din na isang negatibong katangian ng mga Pilipino lalo na kung nagagamit sa paggawa ng krimen.

Ilang beses nang nari­nig ang katagang, nagawa ang krimen dahil sa ma­tinding pangangailangan. Kaya nangholdap dahil na-ospital ang anak. Kaya nagtulak ng droga dahil walang pangbayad sa kuryente at upa. Kaya nakapatay dahil kaila­ngang ng pera pambayad sa hospital bill ng nagkasakit na magulang.

Talamak ang mga ganitong pangangatwiran. Hindi katanggap-tanggap. Subalit, mangyayari at mangyayari ulit.

Madidinig at madi-dinig muli, kung si Juan dela Cruz ay walang makakapitan ng pangmatagalan.

Sa hirap ng buhay ang pagiging matiisin ni Juan dela Cruz, kapag humantong sa sukdulan, baka bumigay. Ang pagiging madasalin baka makalimutan kung gutom at tirik na ang mata ng mahal sa buhay. Krimen ang kasasadlakan, kapag kumalam ang sikmura at nawala sa katinuan.

“Ang taong nagigipit, kahit sa patalim, kakapit.” Mali man o tama, kasa­bihan ito ng ating nakatatanda.