Una sa Balita

Kaori super kilig kina James, Enrique

0 267

Ang suwerte rin nitong si Kaori Oinuma, dahil sa dinami-rami ng mga sumikat sa batch niya sa katatapos lang na “Pinoy Big Brother”, at hindi naman siya nanalo, siya ang nabigyan agad-agad ng project ng ABS-CBN 2, ha!

Ilang buwan pa lang ang nakalilipas mula nu’ng lumabas siya sa PBB, heto nga at bida na agad siya sa Dreamscape project, ang “Parasite Island”, kasama ang Hashtag member na si Paulo Angeles.

Chika ni Kaori, hindi siya makapaniwala na ang mga dating napapanood lang niya sa TV ay nakaka-eksena na niya ngayon. Hindi nga raw niya naisip na mabibigyan siya ng project agad-agad, at hindi pa nga raw siya nakakaranas mag-acting workshop.

Kuwento ni Kaori, hiyang-hiya siya dahil may eksena raw na inabot siya ng take 3. Hindi raw niya maibigay ‘yung kilig na hinihingi sa kanya sa eksena nila ni Paulo. Dahil sa edad na 19 ay hindi pa raw siya nagkaka-boyfriend.

Hindi rin daw kasi niya masyadong kilala si Paulo nang personal, at sa set na lang daw sila nagkakilala. Pero, sa tulong ni Paulo at ni Direk ay nagawa naman daw niya ang eksena.

Pero, pagdating sa iyakan, wala raw problema sa kanya. Iniisip lang daw niya ang hindi nila pagkikita ng tatay niya, naiiyak na siya. May isang eksena nga raw na muntik siyang maiyak, kahit hindi masyadong kailangan.

Anyway, dream come true para kay Kaori ang mag-artista. Bata pa lang daw siya ay pangarap na niya na makita ang sarili sa telebisyon o sinehan.

Kaya raw siya sumali sa PBB ay para mapansin at maging artista nga.

Kung mabibigyan ng pagkakataon, sina James Reid at Enrique Gil ang bet niyang makasama pa sa mga susunod na project.

Kikiligin daw siya nang husto, at baka magtatalon sa tuwa at mayakap ang dalawa kapag nakaharap, nakasama na niya.

Anyway, si Liza Soberano naman ang peg ni Kaori. Gustong-gusto raw niya ang kagandahan nito, at pati na pananamit, kilos at pananalita.

“Idol ko po talaga siya,” sabi pa ni Kaori.

Anyway, bongga nga ni Kaori dahil unang sabak niya sa harap ng kamera, sa “Wansapanataym” agad, at nakasama pa niya sina Ria Atayde, Desiree del Valle at Rafael Rosell.

Desiree mataray sa mga baguhan?

“Sa teleserye lang naman po ako masamang tao,” sabi naman ni Desiree del Valle, na isa rin sa mga cast ng “Parasite Island”.

Marami nga raw kasing baguhan ang natatakot sa kanya, pero in real life naman daw, matulungin siya pagdating sa aktingan.

“Hindi naman ako ‘yung nagagalit, nagtataray kapag nagkakamali umarte ang mga baguhang artista. Actually, tinutulungan ko pa nga sila. Nagdaan din naman ako sa ganu’n. At marami rin naman ang tumulong sa akin,” sabi ni Desiree, na 21 years na palang umaarte.

Like pagdating daw kay Kaori na kasama nga niya sa “Parasite Island”, binibigyan nga raw niya ito ng tip sa tamang pag-arte. Bilib nga raw siya kay Kaori dahil napaka-down to earth ng bagets, kahit sangkatutak ang mga fan nito, lalo na sa social media.

“At saka, happy kami lahat sa set. Madalas kaming magkuwentuhan, magtawanan,” sabi pa ni Desiree.

Si Desiree nga pala ay dyowa ni Boom Labrusca (na tatay naman ni Tony Labrusca). Sabi ni Desiree, dahil kay Boom ay mas napalapit siya sa Diyos.

Madalas nga raw silang magsimba, at kahit madaling-araw ay nagpupunta sila sa Baclaran.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy