Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kanya-kanyang diskarte na ba?

0 972

Nganga.

Naiwang nakanganga ang mga nakinig o nanood sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo nang matapos ito na walang gaanong narinig kung ano ba ang plano ng pamahalaan sa hinaharap sa panahon ng pandemya.

Marami ang nag-antabay upang malaman ang mga susunod na hakbang ng pamahalaan upang arestuhin ang lumolobong bilang ng kaso ng COVID-19 buhat ng payagang pumasok ang mga empleyado at magbukas ang mga negosyo.

Alam ba ninyo na tinalo ng July sa dami ng COVID-19 cases ang pinagsama-samang kaso mula January hanggang June? January 30 – June 30 ay may kabuoang 37,514 kaso ng virus sa bansa, samantalang mula July 1-26 (26 na araw lamang) ay 42,934 na agad ang naitala.

Iyan ay dahil nagluwag na tayo sa quarantine ng buwang kasalukuyan. Maraming tao na ang naglabasan ng bahay upang magtrabaho at pumunta sa kung saan-saan.

Marami ang naghintay sa SONA upang makakuha ng inspirasyon sa sasabihin ng Pangulo. Hindi naman maitatago na kinakailangang iangat ang lugmok na damdamin ng bayang pinahirapan ng pandemya.

Subalit naging matipid ang pananalita ng ating Pangulong Duterte ukol dito. Ginamit sana nyang pagkakataon ang SONA upang kausapin at iangat ang pag-asa ng kanyang nasasakupan.

Sa mga Pilipinong salat sa pag-asa dahil nawalan ng trabaho at nasimot ang kaunting ipon, mga nawalan ng mahal sa buhay dahil sa virus, mga maliliit na negosyong naisara kundi man naghihingalo dahil sa pagkalugi – madilim ang kinabukasan sa kanila kaya’t naghihintay sila ng sasabihin ng ama ng bansa kung anong landas ang tatahakin nila at ano ang plano ng pamahalaan upang tulungan silang makabangon.

Tamang pagkakataon sana ang SONA upang sabihin lahat ng iyan sa mga Pilipinong nakikinig at naghihintay ng direksyon sa kanilang pinuno.

Isa sa pinaka-popular na naging pinuno ng bansa si Pangulong Duterte. Maraming Pilipino ang hanga sa kanya dahil nakikita nila ang kanilang sarili sa Pangulo. Popular pa rin sya hanggang ngayon kaya’t madali sanang i-rally ang mga tao kung ang talumpati nya kahapon ay nagbigay ng inspirasyon. Tulad ng “Kaya nating lampasan itong pandemya. Ito ang mga gagawin natin at inaasahan ko ang kooperasyon ninyong lahat.”

Sumasang-ayon ako sa Pangulo nung banggitin nya ang programang Plant Plant Plant. Matagal ko na sinasabing kailangan nating tutukan at bigyan pansin ang agrikultura dahil nariyan na ang mga magsasaka at bukirin; direksyon at suporta na lang mula sa pamahalaan ang kinakailangan upang gawing mas produktibo ang sektor ng pagtatanim.

Sa ganyang paraan, malaking bahagi ng ating mga kababayan ang matutulungang maiahon sa kahirapan at lalago pa ang produksyon ng pananim sa bansa.

Napapanahon na ring pagtuunan ng pansin ng Pangulo ang kanyang gabinete at mga taong namumuno sa iba’t ibang departamento. Nasubukan ang kakayahan ng lahat sa nakaraang 6 na buwan ng pandemya. Iyong mga kulelat sa pagbibigay ng serbisyo sa mga tao ay baka kinakailangang palitan na. Hindi sila nakakatulong pagandahin ang imahe ng Pangulo at ng pamahalaan.

Sapat na siguro ang mga sunod sunod na reklamo ng mga taong naapektuhan upang malaman ng Pangulo kung sino-sino sa mga tao nya ang kailangan nang palitan.

Marami pang magagaling na tao ang pwedeng piliin ng Pangulo upang mapatakbo ng maayos ang pamahalaan at mabigyan ng mabilis na serbisyo ang mga nangangailangang Pilipino. Pagpahingahin na natin ang mga pawardi-wardi at hindi nakapagsilbi ng tama. END

Leave A Reply

Your email address will not be published.