Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kanselasyon ng mga Board Examination

0 153

Malaking tulong po ang college diploma sa paghahanap ng trabaho subalit higit na makakatulong kung pumasa na sa board exam ang isang job applicant.

Maraming propesyon po ang nangangailangan ng lisensya mula sa Professional Regulation Commission o PRC.

May mahigit 43 mga regulated profession po sa bansa tulad ng mga doktor, nurse, engineer, accountant, architect, interior designer, midwife, guidance counselor, teacher at marami pa pong iba.

Itinatakda po ng batas ng bawat isang regulated profession na hindi maaaring mag-practice ng kanyang propesyon ang isang Pilipino kung wala siyang kaukulang valid na lisensya mula sa PRC.

Ibig sabihin, malaki po ang papel ng PRC sa pagtitiyak na mayroon tayong sapat na suplay ng mga propesyunal at manggagawa sa bansa.

Umaasa po ang mga industriya, gayundin ang ating pamahalaan, sa tuloy-tuloy na suplay ng mga lisensyadong manggagawa para magpatuloy po ang operasyon ng mga negosyo gayundin ang serbisyo publiko.

Matagal na proseso po ang paghahanda para sa isang board exam at nangangailangan din po ng malaking halaga para makapag-enrol sa isang review center o kaya ay makabili ng mga libro bukod pa sa mga bayarin sa PRC.

Dahil sa pandemya, sunod-sunod pong nakansela ang mga schedule ng iba’t ibang board examination na ipinapatupad ng PRC.

Mayroon lang pong 11 board exam ang na-administer noong 2020 kumpara sa 83 noong 2019.

Ngayong 2021, nag-schedule po ang PRC ng 101 mga board exam para makabawi sa mga nakanselang mga examination noong isang taon.

Subalit Pebrero pa lamang ay isa-isa na naman pong kinansela ng PRC ang mga schedule sa kabila ng ibinigay na permiso sa kanila ng IATF na maaari ng magsagawa ng board exam simula ngayong Enero ng 2021.

Marami po ang nadismaya at nababahala sa pag-aanunsyo ng bagong schedule at kalaunan ay pagkakansela rin ng PRC.

Nasasayang daw po kasi ang oras ng mga bagong graduate sa kahihintay na matuloy ang kanilang exam.

Siyempre po, nababale-wala rin ang pagod nila sa pag-aaral at perang ginagastos para makabili ng materyales at pambayad sa internet para sa mga naka-depende sa mga online review class.

Ayon po sa datos ng PRC, mahigit 200,000 na mga aplikante ang hindi nakakuha ng exam noong 2020 at dagdag pa rito ang mga bagong graduate na naghahanda na rin para sa exam ngayong 2021.

Isa na po rito ang Licensure Examination for Teachers o LET na pinakamalaking board exam sa bansa na tatlong beses nang nakansela ng PRC mula noong March 2020.

Taon-taon, umaabot po sa mahigit 350,000 ang mga kumukuha ng LET at sa kasalukuyan ay hindi pa rin malinaw kung magkakaron ng LET ngayong taon dahil sa ginawang polisiya ng PRC na nagbabawal sa pagsasagawa ng mga large-scale examination tulad ng LET.

Umaasa po tayo na magsasagawa ng mga konkretong hakbang ang PRC para makapag-administer ng mga board examination na akma sa umiiral na ngayong “new normal” tulad ng online exam o kaya naman ay pagdaragdag ng mga testing site at examination date para hindi magkumpulan ang mga examinee sa limitadong mga lugar.

Pinaghuhugutan po ng pag-asa ng maraming Pilipino ang mga Board exam dahil ang pagpasa rito ng isang bagong graduate ay maaaring magbukas ng mga oportunidad lalo na ang pagkakaroon ng trabaho.

Kaugnay po nito, naghain tayo ng Resolusyon sa Senado para alamin ang plano ng PRC sa pagpapatupad ng board exam sa gitna ng new normal at nang matapos na po ang mahabang paghihintay ng mga aplikante na hindi makapag-apply ng trabaho dahil sa kawalan nila ng lisensya mula sa PRC.

senatorjoelvillanueva@yahoo.com

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.