Una sa Balita

Kanselasyon ng ABS-CBN franchise ‘di hahantong sa constitutional crisis

0 516

Nanindigan ang Malacañang na hindi magreresulta sa constitutional crisis ang kanselasyon ng prangkisa ng ABS-CBN.

Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos magbabala si Senador Panfilo Lacson na magkakaroon ng constitutional crisis kapag ina­prubahan ng Supreme Court ang isasampang quo warranto petition ng Office of the Solicitor General sa prangkisa ng nasabing network.

“Paano magkakaroon ng constituional crisis?” tanong ni Pa­nelo sa isang radio interview.

“With due respect to my good friend Senator Lacson, he is not a lawyer. ‘Yung portion na ‘yun si­guro ikonsulta niya muna,” dagdag pa niya.

Pinagtanggol din ni Panelo ang hakbang ni Solicitor General Jose Calida dahil bahagi ito ng kanyang trabaho at wala naman siyang nilalabag na batas.

“Iba ‘yung prangkisa na manggagaling sa Kongreso. Iba naman ‘yung nilabag mo ang prangkisa. Dalawang bagay ‘yun. Both can be independently taken together,” paliwanag ni Panelo na siya ring Chief Presidential Legal Counsel.

Nitong Sabado ay sinabi ni Lacson na trabaho ng Kongreso na magsagawa ng deliberasyon ng prangkisa ng network at kung uutusan sila ng Supreme Court na ipatigil ang deliberasyon ay maaari nila itong hindi sundin.

“Baka magkaroon tayo ng constitutional crisis. Kasi halimbawa kung mag-grant ang SC ng quo warranto at kasalukuyang nagsasagawa kami ng plenary deli­beration sa renewal ng franchise ng ABS-CBN, ano ang mana­naig doon?” paliwanag ni Lacson. (Prince Golez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More