Una sa Balita

Kandidatong chairman kinotongan ng P.5M kapalit ng endorso sa INC

By
0 939

Arestado sa entrapment operation ang dalawang lalaki na nagtangkang mangotong ng kalahating milyong piso sa isang kandidato sa pagka-barangay chairman kapalit ng umano ay pag-endorso sa Iglesia Ni Cristo.

Hindi na nakapalag ang mga suspek na sina Jerome Manalo Trinos, 40-anyos, residente ng San Lorenzo South, Brgy. Malitlit, Sta. Rosa City, Laguna at Mark Laviña Umlas, 37-an­yos, businessman at re­sidente ng Brgy. Banay-Banay, Cabuyao City matapos maaresto ng mga tauhan ng Sta. Rosa police station sa Max Restaurant, Sta. Rosa Commercial Complex, Brgy. Balibago, Sta. Rosa City, alas-5:25 nang kamakalawa nang hapon.

Batay sa reklamo ng biktimang si Cesar Canog Hernandez, 62-anyos, residente at kandidatong tserman ng Barangay Malitlit, Sta. Rosa, kinausap umano siya ng dalawa at hini­hingan siya ng kalaha­ting milyong piso kapalit ng pag-eendorso ng kandidatura niya sa INC.

Kaagad ini-report ng biktima ang iligal na aktibidad ng mga suspek sa pulisya at agad nagkasa ng entrapment operation.

Matapos maaresto ay nakuha sa suspek na si Umlas ang isang kalibre .45 baril.

Nakakulong na ngayon ang mga suspek at naharap sa mga kasong Robbery Extortion, Violation of Omnibus Election Code, Comelec Gun Ban at Violation of RA 10591 o “Illegal possession of firearms and ammunition.