Una sa Balita

Kandidato

By
0 466

Taliwas sa itinatadhana ng batas na ang kampanyahan para sa posisyong pambansa ay dapat na tumagal lang ng 90 araw, alam naman na­ting lahat na ang impormal na election season sa minamahal nating bansa ay nagsisimula pagkatapos manalo o matalo ang kandidato ng sinundang eleksyon.

Sa panahon ng internet, social media, at naglipanang murang technological platforms, napakadaling nang makilala ang mga gustong kumandidato. Laman sila ng balita kahit pa wala naman talaga silang direktang kinalaman talaga; nagkalat ang poster at tarpaulin; nagbabayad para lang lumabas sa newsfeed ng social media account mo; nag-eendorso ng kung ano-anong produkto, at laging nasa piyesta o lamay ng patay o kahit showbiz event.

Ayon sa Commission on Election o COME­LEC, sa Oktubre 11 hanggang 17 ang filing ng candidacy sa mga nagnanais maging kandidato. Pero bagama’t nag-file na ng candidacy sa mga araw na nabanggit, hindi pa rin matatawag na mga opisyal kandidato ang mga indibidwal na ito.

Sa proseso, iyon lamang papasa sa pagsusuri at kwalipikasyon ng COMELEC ang masasabing kandidato. Kaya nga may mga idinedeklarang nuisance o hindi karapat-dapat na kumandidato. At iyong magiging opisyal na kandidato lamang ang mabibigyan ng pagkakataon na makapa­ngampanya.

Malalaman lamang natin na kandidato na nga ang mga nag-file ng candidacy bago ang opisyal na panahon ng kampanyahan, o iyon nga 90 araw na idedeklara ng COMELEC. Pero siyempre, hindi pa man nadedeklarang kandidato na nga, nagsisimula na silang ma­ngampanya.

Arbitraryo kasi ang pangangampanya. Sa bansa natin, hindi pangangampanya ang pag-epal ng mga tarpaulin kung saan-saan hangga’t hindi sila kandidato. Ibig sabihin, habang hindi ka pa ‘opisyal’ na kandidato, puwede ka pang magka­bit ng mga higanteng tarpaulin.

Kung opisyal na kandidato na, saka pa lamang susunod sa regulasyon ng COMELEC hinggil sa pangangampanya: iyong may sukat lamang ang poster o tarpaulin, iyong may limitadong oras lamang ang kampanya sa tradisyonal na media, iyong hindi dapat lumagpas sa itinakdang budget ng kampanya.

Pero lahat ito ay tahasang nalalabag hangga’t hindi pa opisyal na kandidato ang mga magfa-file ng Certificate of Candidacy. Alam na alam nating nanga­ngampanya si ganito at ganoong epal politiko, pero dahil hindi pa nga campaign period, hindi sila maaaring ireklamo. Hay buhay.

Napag-uusapan na rin lamang ang salitang kandidato, alam ba ninyong mula sa Latin na ‘candidatus’ ang pinagmulan ng salitang ito?

At alam n’yo ba na ang literal na ibig sabihin ng kandidato ay puting roba o white robe sa Ingles? Pupwede ring ‘puting toga’ o iyong tradisyonal na isinusuot ng mga magtatapos sa pag-aaral.

Bukod sa popular na pag-unawa natin sa salitang ‘kandidato’, kaya tinatawag ding ‘candidate for graduation’ ang mga estudyanteng nagsusuot ng toga. Pero bakit puting toga ang candidatus? Dahil ang pagharap sa madla kapag kampanyahan ay nangangahulugan lamang na puwede silang suriing mabuti, na ang kaputian ay tanda ng kalinisan ng kanilang budhi.

Noon iyon. Ewan ko lang ngayon.

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/ joselito.d .delosreyes

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy