Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kamusta na kayo plantitos at plantitas?

0 87

Kamusta na yung mga plantito at plantita diyan? Buhay pa ba ang mga halamang pinakyaw nyo noong kasagsagan ng lockdown? Kabilang ang inyong lingkod sa mga naging instant plantita dahil sa matinding inip noong mistulang nakabartolina tayo at takot lumabas ng bahay dahil sa Covid19.

Para sa akin, malaki ang naitulong ng mga halaman noong kasagsagan ng lockdown. Nabaliw na siguro ako sa grabeng takot at stress na dulot ng pandemic, kung hindi ako nakahanap ng bagong paglilibangan.

Naging favorite spot kong pasyalan noon ang Rizal. Dito ako humihinga nang malalim, sumisigaw, nakikipag- usap sa mga bundok, halaman at puno.

Ang dami kong naging suki ng mga sariwang prutas at gulay pati mga halaman dahil mura ang tinda at maraming libre o freebies kapag namili ka ng maramihan. Kaya kong mapuno ang isang sasakyan noon dahil sa dami kong nabibili. Nag-viral kasi noon ang Instagram post ni Jinkee Pacquiao sa kanyang mamahalin na variegated Alocasia na libo ang halaga. Kaya ang daming gumaya sa pagbili ng mga halaman noon.

Habang nagpapabonggahan ang marami sa pagbili ng mga super expensive na halaman. Abala naman ako sa pag-iikot noon hanggang sa Marilaque (Marikina- Laguna- Quezon) sa paghahanap hindi ng Alocasia kundi ng mga ‘mumu’ as in mumurahing plants.

Tanda ko pa halos mabaliw ako sa mga Mayana plant. Ang ganda ng mga kulay lalo na kapag malago ang mga dahon. Nabili ko yata ang halos lahat ng klase at kulay nito. Pero maganda lang pala sila sa una. Kapag tumaas na ay unti-unti nang pumapayat at pumapangit hanggang sa mamatay. Siguro may teknik sa pag-aalaga nito pero hindi ko natutunan. Nabili ko lang noon ng ₱20 per pot ang Mayana plant pero sa ibang tindahan sa Maynila o QC ay nasa ₱50-₱75 ang presyo kaya naman mapapabiilli ka talaga ng marami.

Mahigit dalawang taon na ang lumipas, marami sa mga halaman ko na nabili ay nag-babush na hindi dahil sa napabayaan kundi marami sa kanila ay hindi kayang mabuhay sa mainit na lugar. May ilang naka-survive gaya ng Selloum, Monstera, Aglaomena, Sensation at iba pa. Minsan naiisip ko na maraming pera ang nasayang dahil sa pagiging impulsive buyer ko pero sa kabilang banda, malaki ang tulong ng gardening sa akin noon bilang coping mechanish dahil kahit paano ay may naging hobby ako sa gitna ng mga naging pagsubok sa ating well-being.

Malaki ang pasalamat ko sa aking mga alagang plants dahil hanggang ngayon, source sila ng happy vibes. Maraming pag-aaral na nagpapatunay na nakakabawas ng emotional stress, anxiety at negative emotions ang mga house plants. Nakakarelaks lalo na paggising sa umaga at makikita mo ang mga bagong usbong at bulaklak. Mapapa-thank you Lord ka talaga dahil sa hatid nitong mabuting pakiramdam.

Kahit mga artificial plants at flowers ay nagdudulot din umano ng katulad ng benefits sa mga taong walang sapat na lugar para magtanim ng mga halaman. Iba talaga ang nagagawa ng mga halaman mapatotoo o hindi sa isang kabahayan. Hindi lang sila dekorasyon, nagbibigay sila ng buhay sa isang malungkot na lugar.

Pero iba kapag totoong halaman ang inalagaan natin. Hindi naman kailangan ng malaking space para dito dahil kahit sa mga lata at bote na itatapon na ay maaring magtanim ng halaman at mga herbal plants. May sense of purpose kapag may alaga ka na iyong dinidiligan at inaalagaan. Mistulang ambag na natin ito sa mundo na ating ginagalawan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.