Una sa Balita

Kampo ni Patricia natuwa, Bautista madadale sa plunder

By
0 27

Ikinatuwa ng kampo ni Patricia Bautista ang desisyon ng kanyang asawa na magbitiw sa Commission on Elections (Comelec) kahit hindi umano ito kumbinsido sa katuwiran ng mister na alang-alang ito sa kanilang mga anak.

Naniniwala umano ang ginang na may mas mabigat na dahilan kung bakit nagpasya si outgoing Comelec Chairman Juan Andres Bautista na magbitiw kaysa sa ikinatuwiran nitong nais niyang magkaroon ng mas maraming oras para makapiling ang kanilang apat na anak na lalaki.

Sinabi naman ng kanyang abogadong si Atty. Lorna Kapunan na naging bentahe ang pagbibitiw ng Comelec chief para sa kanyang kliyente. Dahil dito ay mapapadali aniya ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa umano’y tagong yaman ni Bautista.

Madali na rin aniya nila itong makakasuhan ng plunder sa Office of the Ombudsman dahil sa pagkawala ng immunity na kaakibat ng kanyang posisyon sa gobyerno.

“Isa na lang siyang ordinary citizen, madali na kaming makakapag-file ng kaso laban sa kanya,” ayon kay Kapunan. Pero, hindi nito sinabi kung sino ang iba pang kasama ni Bautista sa ihahain nilang plunder case.

Matatandaang idi­namay din ng kampo ni Patricia ang kumpareng si University of Santo Tomas (UST) Faculty of Civil Law Dean Nilo Divina sa usapin ng kanyang asawa nang maghain ng disbarment case laban dito sa Supreme Court dahil sa pagbibigay umano ng komisyon kay Bautista mula sa inendorsong kliyente na Smartmatic na nakakontrata sa Co­melec noong nakaraang eleksiyon.