Una sa Balita

Kampo ni Bongbong pahiya sa anti-VP Leni survey

0 2,391

TODONG pahiya ang inabot ng kampo ni da­ting Senador Bongbong Marcos matapos na muli siyang ilampaso at makatikim na naman ng pagkatalo kay Vice President Leni Robredo sa survey na inilunsad mismo ng kanyang mga supporter sa Twitter kung sino ang kanilang tunay na VP.

Naging tampulan ng kantiyaw sa social media ang pag-backfire ng Twitter poll nito, gaya ng isang pa-survey ng Twitter user na si @SenImeeMarcos —na umano’y pinatatakbo ng isang ‘loyal supporter’ ng kapatid ni Bongbong na si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.

Sa Twitter poll, tinanong ang mga netizen kung sino ang kanilang VP.

Nang umalagwa ang mga boto kay Robredo sa iskor na 71% ay binu­ra ng nasabing user ang kanyang Twitter poll.

Nagtangka itong magsimula muli ng kaparehong pa-survey, bago nag-private ng account.

Ang Twitter user naman na @WeAre­UnitedDDS ay nagpa-poll gamit ang tanong na: “Kung magreresign si PRRD (President Rodrigo Roa Duterte) bilang Presidente, sino ang gusto nyong pumalit sa kanya?” Sa higit-kumulang 11,000 votes ay malaki rin ang naging lamang ng Bise Presidente, na nakakuha ng hanggang 86%. Binura na rin ng nasabing user ang kanyang Twitter poll, at gumawa ng bagong survey.

Lumabas ang mga nasabing Twitter poll sa gitna ng pambabatikos na nakuha ni Imee patungkol sa kanyang komento na dapat nang mag-‘move on’ ang mga Filipino sa mga isyu ng pagnanakaw at pang-aabuso na nakakabit sa ama nilang si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Giit ng human rights group na Karapatan, isang ‘delusion’ lamang ang pananaw na ito ni Imee at sinabing hindi maaaring makausad ang mga Filipino hangga’t hindi naihahain ang hustisya sa mga biktima ng pang-aabuso noong Martial Law.

Binara rin ng youth group na Samahan ng Progresibong Kabataan (Spark) si Imee, at ipinaalala dito na millennial mismo ang nanguna ng mga protesta laban sa paglilibing ng kanyang ama sa Libingan ng mga Bayani noong 2016.

Ayon sa Presidential Commission on Good Government (PCGG) na namamahala sa pagbabalik ng ill-gotten wealth, umaabot sa $10 bilyon ang nakulimbat ng mga Marcos.

Tinatayang P170 bilyon pa lang dito ang na-recover sa loob ng 30 taon.