Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kampi sa China?

0 100

Ang isang tao ay dapat may isang salita, lalong-lalo na kung ikaw ay pinuno. Ito ang usap-usapan ngayon na hindi na matutuloy ang pinaka-aabangang debate sa pagitan ng presidente at ng retiradong mahistrado ng Korte Suprema na si Antonio Carpio. Para sa mga hindi nakakaalam, hinamon ng presidente si Carpio upang pagtalunan ang mga sumusunod na tanong: sino ang nagpaurong sa Philippine Navy sa West Philippine Sea, ano ang ginawa ng administrasyon ng dating presidente, at kung kaya bang ipatupad ang desisyong ito.

Nagkaroon ng mga dahilan ang mga galamay ni presidente kung bakit hindi siya dapat humarap kay Carpio. Sinabi na hindi patas ang laban sapagka’t presidente siya at pangakaraniwang abogado lamang si Carpio. Sinabi rin na anuman ang sabihin ng presidente ay magiging patarakan ng estado. Kasabay ng pagdami ng mga katwiran para hindi humarap ang presidente kay Carpio ay ang pagdami din ng mga meme—o mga nakakatawang mga larawan na kadalasan ay nilagyan ng mga salita upang maiba ang pakahulugan ng larawan.

Andyan na nagsabi na ang ibang tao ay takot sa curfew, subali’t and presidente ay takot naman kay Carpio. Pati ang tagapagsalita ng dating presidente ay sumali rin at nagsabi na “buti pa ang lugaw, essential na, may itlog pa” na tinuturing ng marami bilang pasaring sa naging pag-atras sa debate. Hindi ko na dudugtungan ang sinabi ko sa umpisa nitong artikulong ito na dapat ang pinuno ay may isang salita. Malaki ang pagpapahalaga natin sa katangiang ito na kung tawagin ay palabra de honor.

Related Posts

Nguni’t, para sa akin, ang nais kong lubos na maunawaan ay kung bakit ang posisyon ng ating sariling pamahalaan ay may tunog na pagtatanggol sa China. Bakit pilit minamaliit ng presidente ang ating pagkapanalo at tinuturing nya na walang kwentang papel lamang? Bakit pilit na binibigyan ng puwang ang China na gawin ang paglapastangan sa ating bansa? Bakit pilit na iginigiit na gyera ang kahihinatnan kapag tumayo at ipinaglaban natin ang ating karapatan?

Kung may naging kapalit ang ganitong uri ng katapatan ng presidente sa China, ano ang mga ito? Ito ba ang mga pamumuhunan dito na hindi naman nangyari? Ito ay personal lamang sa mga pinuno ng dalawang bansa? Ang naging kapalit ba nito ay ang sinasabi mismo ng ating presidente na ipagtatanggol siya ng China sa anumang tangkang tanggalin siya sa pagka-presidente?

Nakakawalang respeto lang pag ganito ang mga pahayag ng ating pinuno na binigyan ng mandato ng saligang-batas na ipagtanggol ang ating teritoryo. Lalong nakakawala ng respeto ang sinasabi ng marami na asal na parang aso na bulag na sumusunod at kumakahol para sa kanyang amo. Sa totoo lang, nakaka-insulto sa mga aso ang ihambing sa ganitong tao. Ang aso may dignidad.

Leave A Reply

Your email address will not be published.