Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kampanya

0 389

Huwag ninyo sanang ikabibigla na ang etimolohiya, o ang pinagmulan ng salitang ‘kampanya’ ay ang salitang Latin na campus. Pero ang campus na tinutukoy dito ay hindi lang ang alam nating lugar kung saan nakatayo ang paaralan kung hindi isang lugar na may malawak na kaparangan.

Ngayon kasi, malinaw naman na ang campus ay isang lugar na tinatayuan ng paaralan. Maaaring iisang paaralan pero maraming campus gaya ng sa Unibersidad ng Pilipinas na may campus sa iba’t ibang panig ng bansa. Hindi sa paaralan nagsimula ang campus kung paanong hindi sa panghihikayat iboto ang isang kandidato nagsimula ang salitang ‘kampanya’.


Patag at malawak na lupain na walang estruktura sa loob o sa paligid ang salitang campus kung saan nga galing ang ‘kampanya’. Ginamit muna ang salita upang tukuyin ang operasyon ng mga kawal o sundalo para mankop ng isang lugar na tinatawag na ‘kampanya’. Sa Ingles, military campaign ang tawag sa isang bahagi ng digmaan na kailangang sakupin o makubkob ang isang lugar.

Kung paanong ang salitang ‘kampanya’ na nakaukol lamang dati sa pananakop ay nauwi sa ‘kampanya’ bilang uri ng pagkuha ng susuporta at boboto sa isang kandidato ay dahil na rin sa paraan ng halalan sa bansa.

Kinakampanya ng mga kandidato ang bawat lugar na parang pagsakop, parang pagkubkob upang makuha ang suporta para makatulong sa pagwawagi sa mas malakihang bilangan ng boto kasama ang iba’t ibang lugar na kinampanya.

Gayunman, may tinatawag din tayong ‘balwarte’ na ibig sabihin ay isang lugar na may partikular nang kandidatong sinusuportahan. Isang lugar na hindi pa man sumasapit ang halalan ay tukoy na agad kung sino ang mananalo kaya mahirap kampanyahin.

Nagkaroon na lamang tayo ng pag-unawa sa kampanyang politikal hindi dahil sa lugar na dapat ipanalo kung hindi sa paraan kung paano tayo kinakampanya ng kandidato. Nangangampanya ang isang kandidato kapag sinusuyo niya ang botante hindi na lamang sa isang lugar, maaaring sa isang bahagi ng saray ng lipunan, ang mga kabataan halimbawa.

Sinusuyo sa kampanya ang tiyak na lugar o grupo ng tao sa pamamagitan ng mga plataporma at programang gagawin sakaling manalo. Sa kampanya sa isang lugar, maaaring ipangako sa plataporma ang mga pagawaing bayan: silid-aralan, kalsada, health centers, basketball court. Maaari namang kung isang saray ng lipunan, iyong nakatatanda halimbawa, ang pangakuan sa kampanya ng benepisyo, o pensyon. Lahat ito ay gagawin sa kampanya makuha lamang ang sapat na bilang ng boto para manalo.

Pagalingan ang kampanya. May mga gimik, artista, mistulang karnabal. Mayroon din namang kampanyang marumi. Maraming paninira, panloloko, panlilinlang lalo na sa mga kampanyang lumulunsad sa internet. May mga kampanyang kinakasangkapan ang pananampalataya, kultura, damdamin ng mga botante. Lahat ito ay magagawa ng isang maparaang kandidato.

Oo nga’t may umiiral na patakaran sa pangangampanya, sukat ng poster o tagal ng patalastas sa telebisyon halimbawa, pero makakaasa tayong may kampanyang kayang paikutin ang patakaran. At tiyak, may kampanyang napakagaling sa panlilinlang. Maging mapagmatyag tayo sa kampanya ng mga tusong kandidato.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Leave A Reply

Your email address will not be published.