Una sa Balita

Kampanya sa national road ibawal

0 347

Nakakagigil ang mga politiko na walang pakialam sa mga nasasagasaan ng kanilang kampanya.

Hindi ko nilalahat pero mas maraming kandidatong incumbent ang pasaway.

Kung hindi ba naman sila pasaway bakit kaila­ngan nilang magpasara ng national road para isagawa doon ang kanilang pangangampanya.

Ang tindi na kasi ng trapik pagkatapos ay malalaman mong ugat ng matinding trapikong iyong pinagdadaanan ay dahil ginawang venue ng kampanya ang dinadaanan mong national road.

Huwag namang ganun. Sana ay maghigpit ang Department of Interior and Local Government (DILG) para maiwasan na ito habang papalapit ang kaliwa’t kanang meeting de avance.

***

Mabuti naman at napaaga ang desisyon ng Commission on Election (Comelec) sa inihaing petisyon na nagdidiskwalipika kay da­ting Foreign Affairs Sec. Alan Peter Ca­yetano sa pagtakbong kongresista sa Taguig at Pateros.

Mahirap kasi sa panig ng mga politiko na naka­bitin ang desisyon sa isang petisyon lalo na’t papalapit na ang araw ng halalan.

Alinsunod sa reso­lusyon na inilabas ng Comelec 2nd Division, walang pagkakamali si Cayetano sa pag-file ng kandidatura bukod pa sa wala raw itong maling representasyon na inilagay sa kanyang Certificate of Candidacy (COC) na nakatira pa rin ito sa 209 Paso Street, Barangay Bagumbayan, Taguig City kahit may bahay na ito sa 353-A Two Serendra, Fort Bonifacio, Taguig.

Sabagay dati na naman nang nabanggit ng Comelec na walang legal na balakid sa pagtakbo ni Cayetano ma­ging ang kanyang asawa na si Lani na tumatakbong Congresswoman sa District 2 ng lungsod.

Ibig sabihin wala nang sagabal pa sa kandidatura ni Cayetano na ang hangad ay magserbisyo sa mga taga-Taguig­ ay Pateros at hindi malayong maging sunod na House Speaker dahil bet siya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

***

Usapang eleksyon pa rin tayo, napakapalad ng mga kandidatong binibitbit ng Iglesia Ni Cristo (INC) na napatunayan na ang puwersa sa mga nagdaang halalan.

Kapag bitbit ka ng INC malaking ang bentahe ang iyong panalo.

Kaya sa pagkaka-endorso ng INC sa kandidatura ni dating PNP-Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa Senado tiyak na lalong lalakas ang tsansa ni ‘Bato’ na makapasok sa top 12.

Sabagay sa mga nagdaang survey ay pasok na pasok si Gen. Bato na malinaw na indikasyon na gusto siyang mapabilang sa Senado ng ating mga kababayan at nadagdag pa ang endorso ng INC kaya tiyak na ito sa panalo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy