Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kampanya ng mga kandidato ligtas ba?

0 252

Dahil meron pang pandemya mga Kabalitaktakan, maagang nagpa-alala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato ng mga dapat at hindi dapat gawin sa kampanya.

Layunin ng hakbang na ito ng Comelec na maiwasang maging “super spreader” ang mga aktibidad ng mga kandidato sa halalan sa Mayo.

Kabilin-bilinan ng Comelec mga Kabalitaktakan: “safety first” ang pairalin sa kampanya at tiyaking masusunod ang “minimum public health standards”.

Kabilang sa nakagawian nang aktibidad sa kampanya na ipinagbawal ng Comelec ngayong may pandemya ang pakikipag-kamay, beso-beso at pakikipag-selfie.

Pinatitiyak din ng Comelec mga Kabalitaktakan na may permiso sa mga Local government unit o LGUs bago ang pagsasagawa ng mga pagtitipon.

Bagamat para sa mga “national candidate” pa lang ang opisyal na nagsasagawa ng kampanya mga Kabalitaktakan…

may natatanggap nang ulat ang Comelec hinggil sa paglabag sa mga isinasagawang “in-person campaign” ng ilang kandidato.

Dahil dito, sinabi ng Comelec na inaalam na nila ang mga report hinggil sa posibilidad na paglabag sa “minimum public health standards for in-person campaign” ng mga kandidato.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, ini-evaluate na ng komisyon ang ulat na “protocol breaches”, bagamat wala pang inihahaing “formal complaint” laban sa sinumang kandidato mga Kabalitaktakan.

Muling ipina-alala ni Jimenez mga Kabalitaktakan ang nakasaad sa kanilang “in-person campaign guidelines” sa ilalim ng Comelec Resolution 10732…na tuloy-tuloy nilang ipatutupad.

Sa ilalim ng naturang resolusyon, pahihintulutan lamang ang “in-person political gatherings” tulad ng campaigning, rallies, caucuses, meetings, conventions, motorcades, caravans at miting de avance kung may pahintulot ng Comelec Campaign Committee o CCC.

Ani Jimenez, isang “multi-agency super body” ang CCC na naka-toka sa pagre-regulate ng mga aktibidad na may kaugnayan sa nalalapit na halalan sa bansa mga Kabalitaktakan.

Mahigpit ding ipinagbabawal sa ilalim ng resolusyon ang pagpasok ng mga kandidato sa private dwellings at maging ang pagbibigay o pamamahagi ng pagkain at inumin.

Kung ating oobserbahan ang mga aktibidad sa kampanya ng mga kandidato sa “national position” mga Kabalitaktakan…hindi na kailangang maging “rocket scientist” ika nga para masabing may mga nangyayaring paglabag sa Comelec resolution.

Kitang-kita sa mga video sa mga balita sa telebisyon at social media at maging sa mga litrato sa mga pahayagan ang pagdagsa ng mga taga-suporta ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya.

Kaya’t bukod sa Comelec mga Kabalitaktakan, nag-aalala na rin maging ang mismong adviser ng National Task Force on Covid-19 sa mga posibleng paglabag sa “health protocol” ng mga kandidato.

Giit ng NTF Adviser na si Dr. Ted Herbosa mga Kabalitaktakan na may Omicron variant pa kaya’t hindi dapat magpaka-kampante ang mamamayan.

Aniya, bagamat patuloy ang pagbaba ng kaso ng Covid-19…hindi pa naman matitiyak na magiging “Covid free” na ang bansa kaya’t dapat pa ring mag-ingat ang mga mamamayan…kabilang na ang mga kandidato.

Para sa akin mga Kabalitaktakan, responsibilidad ng mga kandidato at ng buong team ng mga ito ang tiyaking ligtas ang mga isinasagawa nilang aktibidad.

Dahil aminin man nila o hindi…siguradong hindi 100-porsyentong bakunado na ang lahat ng dumadalo sa kanilang “campaign sorties” kaya’t posible silang masingitan.

Paki-usap naman sa Comelec na mas pa-igtingin ang pagbabantay sa aktibidad ng mga kandidato at tiyaking may mananagot kung mapapatunayang may lumabag.

Alalahanin po natin mga Kabalitaktakan na pagsapit ng Marso…aarangkada na rin ang kampanya ng mga lokal na kandidato sa nalalapit na halalan sa Mayo.

Hanggang dito na lang muna mga Kabalitaktakan…staysafe at GOD Bless. Yun oh🧔

Leave A Reply

Your email address will not be published.