Una sa Balita

Kamatayan o engkanto sa trahedya ng Iloilo

0 505

Mga ka-Misteryo nasindak ba kayo sa malagim na trahedya sa Iloilo nang sunduin ng umano’y kamatayan ang 31 namatay sa paglubog ng tatlong bangkang de-motor kamakailan lamang?

May nahagip na tila anino ni kamatayan ang kuha sa camera bago nangyari ang trahedya. Isa itong nakalutang sa ere na animo’y nakasuklob ang ulo at hindi makita ang mukha.

Sa paniniwala ng mga Ilonggo nangunguha umano ang ‘witawit’ o sundo ng mga kaluluwa at ito ang nahuli-cam bago pa nangyari ang malagim na trahedya. At ang witawit ang sinasabing posibleng dahilan ng paglubog ng bangka.

Kailangan nating lina­win kung ang witawit ba na ito ay si kamatayan — ang nakatalukbong na nilalang na may hawak na karit o kaya ay engkanto sa karagatan na sadyang kukunin ang mga kaluluwa ng mga biktima.

Kung ang nakitang nilalang ay siyang kamatayan o grim reaper sa Ingles, hindi ko masasabing siya ang dahilan ng trahedya. Ang pagkakaalam ko batay sa higit 20 taon ng aking pananaliksik sa paranormal at metapisikal, nakikita lamang ang kamatayan kapag may mangyayaring trahedya na hindi siya ang may gawa.

Trabaho o misyon ng grim reaper na sunduin ang mga kaluluwa ng mga mamamatay para ihatid sa kabilang buhay at ihatid sa langit man o impiyerno at hindi siya ang sanhi ng kamatayan. Karaniwan nilang sinusundo ang mga kaluluwa ng mga taong biktima ng krimen, sakuna o trahedya tulad ng nangyari sa karagatan ng Iloilo at Guimaras.

Kung ang nahagip ng camera na aparisyon ay ang witawit na sadyang nangunguha ng mga kalu­luwa sa pamamagitan ng sinadya niyang sakuna, mas swak na isipin na ele­mento o engkanto siya ng karagatan.

Related Posts

Kilalang-kilala ang mga engkanto na sadyang nangunguha ng mga kalu­luwa at ikinukulong sa kanilang kaharian sa hindi saktong dahilan bagaman ang iba ay ginagawa silang alipin kung kaya’t malabo silang makaakyat ng langit.

Ilang kilalang perso­nalidad ang pinaniniwalaang namatay at kinuha ang kanilang kaluluwa ng mga engkanto tulad nina Rico Yan at Julie Vega. Ito ay batay sa testimonya ng mga psychic na umano’y nag-imbestiga sa ganoong mga kaso.

May isa pang uri ng sundo, ito ay ang mismong mga namayapang kaanak o kaibigan ng sumakabilang buhay. Nagpapakita ang mga sundong ito, ilang araw bago o sa mismong araw ng kamatayan ng isang tao.

Nakatoka naman silang manundo lalu na kapag nakaratay sa ma­tinding karamdaman at wala nang pag-asang gumaling sa sakit ang isang pasyente.

Naalala ko tuloy ang sinabi sa akin ng nama­yapang si Tiya Dey na lagi niyang nakikita ang mga babae at lalaki na pa­wang magagara ang kasuotan ilang araw bago siya namatay habang nasa studio. ‘Yun na pala ang mga sundo niya.

Ngayon, sa nangyari sa trahedya sa Iloilo ang aking pinal na hatol, kagagawan ito ng engkanto ng dagat at siya ang witawit sa lokal na paniniwala. Sinadya niyang lumikha ng biglang kalamidad o squall sa karagatan para madisgrasya ang mga pampasaherong bangka at marami ang namatay.

Ipanalangin po natin ang mga kaluluwa ng 31 biktima ng trahedya at harinawa ay matahimik na sila at makarating sa langit.
Para sa inyong mga kuwento o karanasang nakakatakot o kababalaghan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang aking website www.reytsibayan.com.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy