Una sa Balita

Kamatayan ni Ninoy pagpapatuloy ng laban sa EJK

0 227

NGAYONG araw ginugunita ang anibersasyo ng kamatayan ni dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr. na gumimbal sa sambayanan 36 taon na ang nakararaan.

Itinuturing ang pamamaril at pagpatay kay Ninoy noong Agosto 21, 1982 bilang dahilan para sa makasaysayang pagtatapos ng batas militar at muling pagbalik ng demokrasya sa bansa. Ngunit para sa grupong August Twenty-One Movement (ATOM) ngayon mas kinakailangan ang pagbibigay babala sa mga mamamayan hinggil sa pamumuno na nagbabadya umanong magbalik sa madilim na mga araw ng pamumuno ng diktadurya.

“Ito’y isang katunayang malinaw nating nakikita sa di-makatarungang pagpatay sa libo-libong mga biktima ng extra-judicial killings o EJK. Sila ang mga sawing-palad na bumulagta sa madugong kampanya laban umano sa iligal na droga,” ayon sa ATOM.

Dagdag pa ng grupo, sinusuportahan nila ang laban kontra sa iligal na droga, “Inihahayag din namin ang suporta at pang-unawa doon sa may mga pangarap na ‘di maabot dahil sa bawal na gamot.”

Gayunman, mariin na pinanawagan ng grupo sa mga awtoridad na maisagawa ang anti-drug campaign sa paraang rumerespeto sa karapatang pantao, dumadaan sa tamang pro­seso at umiwas sa walang saysay na pagpatay.

Matatandaan na noong Hulyo inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency ang listahan nito ng napapatay sa operasyon kontra iligal na droga na umabot na sa 5,526 mula Hulyo 1, 2016 hanggang Hunyo 30, 2019.

Saad pa ng grupo, ang matamlay na pagtugon sa mga EJK ay nagpapawalang saysay sa kamatayan ni Ninoy at iba pang lumaban para sa pagbabalik ng demokrasya sa bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy