Una sa Balita

‘Kamatayan’ ni Maja Salvador, nagbaon sa lupa kay Willie Revillame

0 11

Birthday ni Maja Salvador nu’ng October 5. At halos kasabay nu’n ang ‘kamatayan’ niya sa teleseryeng Wildflower sa ABS-CBN 2, bilang si Ivy Aguas.

Sinamahan nga ng manonood maging hanggang sa kanyang hu­ling hininga si Ivy Aguas sa Wildflower kaya naman natamo ng programa ang panibago nitong all-time high rating.

Tinutukan ng sambayanan ang episode ng serye noong Martes (Oct 3) kung saan tuluyan nang nawalan nang malay si Ivy sa loob ng kabaong na pumalo ng national TV rating na 31%, o o higit doble sa nakuha ng katapat nitong programang Wowowin na nakakuha lamang ng 15.3%, base sa datos mula sa Kantar Media.

Naging kapana-panabik din ang mga eksena nito, mula sa paghahanap nina Diego (Joseph Marco) at Jepoy (Vin Abrenica) sa libingan ni Ivy hanggang sa pagtawag ni Emilia (Aiko Melendez) sa naghihingalong si Ivy.

Hindi naman napigilan ng netizens na ibuhos ang kanilang emosyon sa social media kaya naging numero unong trending topic ang official hashtag na #WildflowerRIPIvyAguas sa Twitter.

Ngayong patay na si Ivy Aguas, tuluyan na rin kayang malibing ang paghihiganti at hustisya na kanyang pinag­lalaban?