Una sa Balita

Kamara tinapalan ni diokno ng P40B

Padulas para tumahimik sa mga pork insertion ng DBM

By
0 391

IBINUNYAG ni House committee on appropriations Chairman at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya kahapon na tinangka umanong suhulan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno ng P40 bilyon ang Kamara para mabusalan o manahimik na lamang sa P75B na nakasapin sa panukalang 2019 national budget.

Ayon kay Andaya, isinangguni nito kay Diokno ang mga nakapaloob sa 2019 expenditure plan kabilang na ang kontrobersiyal na P75B halaga ng mga proyektong pang-imprastruktura.

Binanggit ni Andaya na ilang beses silang nagharap ni Diokno noong nakaraang taon at palagi niyang inuungkat ang naturang isyu.

Nangako naman umano si Diokno na ­aasikasuhin nito ang usapin na inilulutang ni Andaya.
Inilahad ni Andaya na may isang pagkakataon na inimbitahan siya ni DBM Undersecretary Mina Pangandaman sa isang tanghalian kasama si Diokno at isang “common friend” na hindi na pinangalanan ng House leader.

Iginiit nito na mayroon siyang natanggap na text messages na magpapatunay na inimbitahan siya ni Pangandaman.
Sa nasabing pulong diumano inialok ni Diokno ang suhol.

“Even Secretary Diokno tries to buy our cooperation. He offered the House P40 ­billion for us to shut up about the P75 billion insertion. Now I have the 2019 budget in my hand, and I do not see any P40 billion there,” pagbubunyag ni Andaya.

Sinabihan umano ni Diokno si Andaya na ang P40B ay manggagaling mula sa 2018 savings.

“You can offer to buy us out, to bribe us for our silence and as to the amount, you’re only saying half the truth there a bigger amount involved but it might involve another institution so let Secretary Diokno talk first, react first to my statement and I will follow through with the other half of it,” hirit ni Andaya.

Batay sa mga dokumento na ipinadala ni Diokno sa Kamara, inilahad ni Andaya na may P209 bilyong savings noong 2017 at P97B noong 2018.

Ito ayon pa kay Andaya ang tinatawag na “executive pork” na si Diokno lamang ang may kumpas.

Binanggit din diumano ni Diokno kay Andaya na ang 2017 savings ay ibinalik sa national treasury.

Samantala, tinawag ni Diokno na fake at walang batayan ang bintang na panunuhol umano nito sa mga mambabatas para manahimik sa sinasabing P75B insertion sa 2019 proposed national budget.

Sa isang text message, tahasang itinanggi ni Diokno ang bintang ni Congressman Andaya na tinangka umano nitong suhulan ng P40B ang mga kongresista para manahimik sa isyu ng budget insertion.

“False. Another wild and baseless accusation,” ang maiksing text message ni Diokno.
Nag-react naman ang opisyal ng Palasyo na si Secretary to the Cabinet Karlo Alexi Nograles na nagsabing isa itong mabigat na alegasyon.

“These are very serious allegations and we expect Secretary Diokno to answer these allegations. We in the cabinet, certainly and in the administration of President Duterte, we do not resort to things like bribing. Mabigat ‘yung mga akusasyon, I hope it can be addressed immediately,” ani Nograles. ­