Una sa Balita

Kamara binitin ni Mocha

By
0 458

Pansamantalang sinuspendi ang deliberasyon ng budget ng Pre­sidential Communications Operations Office (PCOO) dahil “no show” ang kontrobersyal na assistant secretary ng tanggapan na si Mocha Uson.

Pinanggigilang gisahin at kuwestyunin ng mga kongresista si Uson dahil sa mga iskandalosong pakulo nito na ikinakawing sa mahaha­lagang usapin ng bansa.

Ilan sa pinakahuling kontrobersya ni Uson ay ang pinausong video sa pederalismo at pangu­ngutya sa mga kababa­yang may kapansanan.

Hinirit nina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at Bayan Muna Party-list Carlos Isa­gani Zarate na ipagpa­liban ang budget delibe­ration ng PCOO dahil absent si Uson.

“Kapansin-pansin na wala dito ‘yung presence ni Asec. Mocha Uson. Tingnan niyo po. Ala-una na (nang madaling-araw, Setyembre 25, 2018) pero andito pa ang secretary, mga undersecretary. Andito pa tayo-tayo dahil alam natin na mahalaga ang budget ng PCOO. Ito ang information arm ni Pangulong Duterte. Marami po akong katanungan Mr. Speaker na nakaukol sa opisina ni Asec. Uson. Maari ko bang malaman bakit wala si Asec?” pag-uusisa ni Castro.

Tugon naman ni House Appropriations vice chairman at Parañaque City Rep. Eric Oli­varez (nag-isponsor sa PCOO budget), wala si Uson at nasa labas umano ito ng bansa.

“Noong September 6, briefing for the budget of PCOO wala na nga siya. Ngayon ay wala na naman si Asec Uson. May tatlong pahina ako na mga tanong (for this controversy-riddled agency and official). With that, I move to defer delibe­rations of the budget of the PCOO proper,” giit ni Rep. Castro.

Nabatid na P1.474 bilyon ang kabuuang budget para sa 2019 ng PCOO.

Ang hirit ni Castro na i-defer ay ang pondo lamang diumano ng PCOO proper.

Wala pang aksyon ang liderato ng Kamara sa mosyon ni Castro.

Hindi pa rin nagbibigay ng impormasyon ang House leadership kung kailan muling isasalang sa plenaryo ang budget ng PCOO.