Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kalusugan ay kayamanan

0 425

Manigong Bagong Taon sa aking mga kababayang Bicolano at sa buong sambayanang Pilipino!

Bukod sa pag-iingat laban sa COVID-19, pinakamahalagang dapat gawin pagpasok ng bagong taon ay pangalagaan ang ating kalusugan. Hindi kasi maikakaila na ang kalusugan at lakas ng pangangatawan ay maituturing nating kayamanan. Batang paslit pa lamang tayo’y itinuturo na sa paaralan na “Health is Wealth!”

Kaya naman po sa loob ng maraming taon, ang pangangalaga sa kalusugan ay isa sa mga pangunahing adbokasiya ng Ako Bicol. Bago natapos ang 2021, mapalad ang Ako Bicol dahil muli nating nakasama ang team ni Sen. Risa Hontiveros sa pagsasagawa ng tatlong araw na medical mission sa Sorsogon.

Unang sinadya ng aming grupo ang bayan ng Irosin para sa Healthy ‘Pinas Medical Mission ni Sen. Hontiveros noong Disyembre 27, 2021. Ginanap ito sa public auditorium ng bayan ng Irosin na may halos 60,000 populasyon.

Kabilang sa medical mission ang libreng serbisyo tulad ng ECG, x-ray, ultrasound, konsultasyon sa doktor at libreng gamot. Tumulong naman ang Ako Bicol volunteers sa pamamahagi ng pagkain at inumin sa mga nagpakonsulta.

Kinabukasan, Disyembre 28, 2021, ay mga kababayan naman natin mula sa Barangay Buhatan, East District, Sorsogon City ang pinaglingkuran ng Healthy ‘Pinas Medical Mission. Doon ay nagkaloob din po ng mga libreng serbisyo tulad ng ECG, ultrasound, medical consultations at libreng gamot.

Noong Disyembre 29, 2021, o tatlong araw bago sumapit ang Bagong Taon, tumulak naman ang team sa Pilar, Sorsogon upang doon gawin ang huling yugto ng medical mission sa naturang lalawigan. Isa ang Barangay Calongay sa mapalad na nabigyan ng libreng konsultasyon sa doktor, libreng gamot at laboratory tests.

Nagpapasalamat po kami kay Senator Risa Hontiveros sa hatid na tulong ng kanyang Healthy ‘Pinas Medical Mission sa mga Bicolano. Malaking tulong ang programa sa mga kababayan nating walang kakayahang kumonsulta sa doktor upang maalagaan ang kanilang kalusugan.

Hindi po ito ang unang pagkakataon na nakasama ng Ako Bicol Party-list ang team ni Sen. Hontiveros. Noong Hulyo 2021 ay nagsagawa rin kami ng katulad na medical mission.

Noong Hulyo 4, 2021, nakasama ng inyong lingkod si Sen. Hontiveros sa paglulunsad ng kauna-unahang Mobile Health Clinic sa Bicol Region. Unang pinaglingkuran ang mga residente ng Barangay Banquerohan sa Legazpi City sa proyektong hatid ng senadora katuwang ang Ako Bicol Party-list.

Kasunod naman ang Iriga City. Labis ang pasasalamat at kasiyahan ng mga taga Iriga nang sadyain ng Healthy ‘Pinas Mobile Health Clinic ang siyudad. Kasama ni Sen. Hontiveros ang inyong lingkod at ang ating partner sa Ako Bicol Party-list na si Cong. Alfredo Garbin, Jr. sa pag-aasikaso sa mga residenteng nangangailangan ng atensyong medikal.

Tumagal ng 11 araw ang naturang medical mission kung saan libu-libong Bicolano ang nabigyan ng libreng konsultasyon sa doktor, libreng gamot at lab tests.

Malaking karangalan po na maging kaagapay ng Ako Bicol si Senator Risa Hontiveros sa kanyang pagtulong sa mga kababayan nating Bicolano. Kaya naman po abut-abot ang aming pasasalamat sa butihing senador.

Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano!

Leave A Reply

Your email address will not be published.