Una sa Balita

Kalusugan alagaan, ligtas na laruan ngayong Pasko!

0 335

By Sen. Risa Hontiveros

Ilang araw nalang at Pasko na! Dagsa ang kaliwa’t kanang mga paninda sa iba’t ibang pamilihan ngayong buwan ng Disyembre. Sari sari at makukulay na mga pangregalo, lalo na iyong mga laruan ng mga bata, ang siyang pumupukaw ng atensiyon ng mga mamimili.

Sa mga nanay at mga ninong at ninang, ugaliin sana nating suriing mabuti ang mga laruan na binebenta bago natin bilhin at iaginaldo sa ating mga anak at inaanak. Napakaraming laruan ang nasa merkado ngayon ang sinasabing hindi ligtas para sa ating mga kabataan.

Lagi nating tingnan ang mga tatak at eti­keta o label ng ating bibilhing mga laruan at maiging tingnan kung may mga delikadong kemikal na sangkap sa paggawa ito. Kung wala itong label, sinasabi ng mga advocate mula sa iba’t ibang non-government organizations (NGOs) na hindi ito dumaan sa inspeksiyon ng Department of Health (DOH) o ng Food and Drug Administration (FDA).

Ang pagkakaroon ng mga delikadong kemikal ng mga laruan na binibigay natin sa mga bata katulad ng mercury, lead at cadmium ay lubhang makakaapekto sa kalusugan ng ating mga anak. Maari silang magkasakit o magka-allergy. Hindi nga ba’t kinakagat-kagat at sinusubo pa kadalasan ng mga paslit ang kanilang mga laruan? Kung puno ito ng mga toxic na kemikal, aba’y delikado ito sa kalusugan ng ating mga anak.

Mayroon na ring batas upang masiguro ang kaligtasan ng mga laruan, ang Republic Act 10620 o ang tinatawag na ‘Toy and Game Safety Labeling Act’ na kung saan kailangang magkaroon ng tamang labeling sa mga laruan. Dito sinasabi ng gobyerno na hindi puwede ipagkibit-balikat lang ang kaligtasan ng mga laruan sa merkado.

Hindi natin puwedeng isugal ang kalusugan ng ating mga kabataan. Ugaliing maging mas masuri sa pagbibigay ng mga laruan, pagkain at iba pang kagamitan sa ating mga anak, ina­anak at mga kaanak ngayong Pasko at sa buong taon.

Bukod sa laruan, siguraduhin din natin na ligtas ang mga kinakain ng ating mga anak ngayong Pasko. Dahil sa dami ng mga handa, may mga pagkain na napapanis at ang iba naman, hindi maayos ang pagkakaluto. Kapag ganitong mga okasyon ay dumarami ang bilang ng nagkakasakit sa tiyan tulad ng diarrhea, lagnat at ubo lalo na sa mga maliliit na bata. Kapag may nakitang hindi maganda sa kalusugan ng ating mga anak, kaagad na dalhin sila sa ospital upang malunasan.

Ang kalusugan ng ating pamilya ang pinakamahalaga hindi lamang ngayong Pasko kung hindi sa pang-araw-araw. Maging mas maingat tayo sa lahat ng ating binibigay at pinapakain sa ating mga anak. Tandaan na ang malusog na pamil­ya ang tunay na yaman ng bayan.

Maligayang Pasko sa lahat!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy