Una sa Balita

Kaluluwa sa spirit of the glass nagwala!

0 443

Mga ka-Misteryo naranasan niyo na bang mag-spirit of the glass? Katulad ito ng Ouija Board na ang layunin ay makipag-usap sa mga suma­kabilang buhay.

Iyan ang ating pag-usapan ngayon: ‘Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!’
Isang kuwentong karanasan ang ibina­hagi sa #TeamMisteryo ni Carmie ng Ilocos nang minsang magka­yayaan silang magka­k­­aklase na maglaro ng spirit of the glass.

Kinagabihan ng Biyernes kasama ni Carmie ang tatlo niyang kaklaseng umuwi para maglaro ng spirit of the glass. Kaya pagkatapos maghapunan, nagkuwentuhan muna sandali para hintaying makatulog ang mga magulang ni Carmie hanggang sa tahimik na ang paligid at nagkulong na sila sa silid.

Kumuha ng basong babasagin sa kusina si Carmie, habang ang tatlo ay naghanda ng malinis na papel at sinulatan ng Yes at No sa magkabilang gilid. Mas simple ito kaysa sa Ouija Board na may mga letra sa gitna.

Naupo sa paligid ng papel na may baso sa gitna si Carmie at tatlo niyang kaklase para simulan ang kanilang paglalaro ng spirit of the glass, nagkakatawanan pa sila pero sinikap nilang ‘wag malakas para hindi magising sa kabilang silid ang mga magulang ni Carmie.

Si Carmie ang unang nagsalita habang nakapatong ang kanilang hintuturong daliri sa baso. “May multo po ba sa paligid, pakisagot lang ng yes.”

Nakabibinging katahimikan ang kasunod hanggang sa may naramdaman silang malamig na hangin at unti-unting gumalaw ang baso at tumapat sa Yes.

Bahagyang natakot sina Carmie at kanyang mga kaklase pero ngumiti sila at nagbulungan, “uy gumalaw ang baso, merong multo… merong multo.”
Carmie: “Lalaki ka ba?

Muling gumalaw ang baso at tumapat sa yes. Hindi nakatiis magtanong ang kaklase ni Carmie, si Susan.

Susan: “Masaya ka ba kahit namatay ka na?”

Sinundan muli ng katahimikan hanggang sa gumalaw ang baso at tumapat sa yes. Nagtanong uli si Susan: “Nakarating ka ba sa langit? Maganda ba ang langit?”

Katahimikan muli at mas matagal na katahimikan ngunit hindi guma­law ang baso. Inulit ni Susan ang tanong: “Nagpunta ka ba sa langit? Maganda ba doon?”

Unti-unting guma­law ang baso at dito na kinabahan sila Carmie dahil tumapat ito sa No.

Medyo garalgal ang boses ni Susan nang magtanong: “Sa impiyerno ka ba napunta?”

Biglang may mala­kas na hangin na pumasok sa bintana at nabasag ang baso na ginagamit ng apat na magkakaklase.

Nang tanungin ng #TeamMisteryo si Carmie kung ano ang kasunod na nangyari: “Nagtakbuhan po kami palabas ng room ko. Nag-stay kami sa sala. Nanginginig sa takot mga kaklase ko. Nagising sina tatay at pinakalma kami, pinagsabihan na ‘wag nang laruin ang spirit of the glass.”

Team Misteryo: “So paano ‘yung sumagot sa inyong spirit?”

Carmie: “‘Yun nga po, magkakasunod na gabi po kaming binangungot hanggang sa magpasya kaming mag-alay ng misa sa nahatak naming kaluluwa.”

Matindi ang aking babala sa lahat, “wag maglaro ng spirit of the glass o Ouija board. Ang pinakamatinding posibleng mangyari, makahatak kayo ng demonyo mula sa impiyerno.”

***

Para sa inyong mga karanasang kababalaghan at katatakutan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsiba­yan.com, abante.com.ph.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy