Una sa Balita

Kalma lang! VP Leni ‘di madi-disqualify — Macalintal

By
0 6

Hindi maaaring idiskuwalipika si Vice Presi­dent-elect Leni Robredo dahil lamang sa hindi nakapagsumite ng Statement of Contribution and Expenses (SOCE) ang Liberal Party (LP) na kanyang kinaaniban, ayon sa isang beteranong election lawyer.

Kaya walang dapat ipangamba ang mga supporters na baka hindi makaupo sa Hunyo 30 si Robredo dahil sa kakulangan ng dokumento sa Commission on Elections (Comelec) ng kanyang partido, paniniguro ni Atty. Romulo Macalintal.

Ayon kay Macalintal, abogado ni Robredo, maaaring pagmultahin lamang ang mga hindi nakahabol sa deadline ng Comelec noong Miyerkules ngunit hindi ito rason para pagbawalang makaupo ang mga nanalong kandidato.

Nauna rito, humingi ng 14 na araw na extension ang LP para ihain ng partido at ni Roxas ang kanilang SOCE.

“A request for extension was sent to Comelec today, asking for an additional 14 days within which to complete the filing for Mar Roxas and the Liberal Party. The primary reason is the voluminous number of receipts that have to be scanned and attached to the document, in compliance with the rules and in the interest of complete transparency,” rason ni LP spokesperson Barry Gutierrez.

Sa tweet naman ni James Jimenez, spokesperson ng Comelec, binigyang-diin nito na ang “Failure to file a SOCE does NOT result in disqualification.”

Sa isang ambush interview kay Robredo kahapon sa Kananga, Leyte, sinabi nitong, “Alam ko humingi iyong partido ng two weeks na extension. Ang mahalaga naman dito according to the rules na makapag-submit before June 30 kasi kung hindi siya mag-submit before June 30 talagang hindi kami makakaupo. Pero I’m sure naman na iyong partido ay mag-susubmit before June 30.”

Si Robredo ay nakapagsumite na ng kanyang indibidwal na SOCE bago pa matapos ang deadline nitong Miyerkules pero dahil bigo ang kanyang partido ay apektado pa rin ito.

Sa isinumiteng SOCE ni Robredo, nakatanggap ito ng kabuuang halagang P423,163,737.34 kontribusyon sa kanyang kampanya at sa halagang ito ay P418,664,130.60 ang kanyang ginastos.

Ilan sa mga nagbigay ng campaign fund sa kanya ay si presidential sister Kris Aquino sa halagang P30.8 milyon. Sinabi na ni Aquino na tumaya siya sa kandidatura ni Robredo dahil sa “personal na laban” nito sa pamilya Marcos.