Una sa Balita

Kaliwa’t kanang kontrobersiya

0 457

May tagubilin ako sa aking sarili sa tuwing susulat para sa lingguhang espasyong ito. Linggo lumalabas sa diyaryo ang aking isinusulat. Bumibili ako ng sariling kopya ng diyaryo pagkatapos ang pang-umagang pagsisimba namin ng aking pamilya. Kasabay ng pamamalengke ko.

Samantala, depende kung kailan mo naman nabuksan ito sa internet, mababasa ang a­king isinulat kahit anong araw.

Pero tuwina, Linggo ko iniisip na binabasa ang kolum na ito. Ibig sabihin, pahinga ang karamihan sa atin sa trabaho. Isang araw para gawin ang naantalang gawaing pampamilya. Mamasyal halimbawa. O kumain sa labas, manood ng sine. At pagsapit ng gabi, maagang matulog para sa hamon ng Lunes sa buhay natin.

Dahil Linggo, iniisip kong pagaangin ang a­king sasabihin. Kaya ang paksa ko ay tungkol sa mga salita, pampatalas sana sa isipan ng magbabasa. Pinagmulan ng salita at ang ugnayan nito sa ating kultura. Kaya ang pamagat ng kolum ko ay ‘Talas-Sali­taan’. Baka sakaling tumalas nang kaunti ang isip ng magbabasa.

Una muna siyempreng dapat patalasin ay ang isip ng magsusulat, ang isip ko. Dapat makahulugang salita. Dapat iyong pangkaraniwang salitang hindi masyadong napagninilayan.

May mga dapat akong ikonsidera. Magagaan na salita dapat. Hindi iyong galing sa baul ng Tagalog. Dapat, naiintindihan din kahit hindi Tagalog ang unang wika. At kapag alam ko na ang salita, dapat, kahit papaano, may kaugnayan sa isang napapanahong isyu.

Pero bagama’t kaugnay ng isang napapanahong isyu, dapat ay hindi iyong mabigat. Lagi kong tinatandaan, Linggo ito mababasa sa diyaryo. Dapat hindi kasingbigat ng karaniwang araw ang paksang salita. Dapat ay banayad, nakakatuwa o nakakatawa kung pupuwede.

Isang buong linggo na tayong binibira ng mga paghamon, ng mga usapin ng bayan at lipunan. Dapat iyong hindi muna tungkol sa kontrobersiya. Teka, kontrobersiya. Oo nga. Hindi muna tungkol sa mga kontrobersiya. Tungkol na lang muna sa mismong salitang ‘kontrobersiya’ na napakadalas nating gamitin at marinig.

Alam natin ang kontrobersiya. Alam natin ang mga isyung kontrobersyal. Kaya nating ilarawan. Ito ang maiinit na usapin sa bayan. Iyong laman ng balita. O sa Facebook ninyo, laman lagi ng newsfeed. Iyan ang kontrobersiya.

Bukod sa kaya nating ilarawan, kaya nating magbigay ng kaliwa’t kanang halimbawa ng kontrobersiya. Ang dali. Ang dami kasi. Halos araw-araw may bago. Pero ano ba talaga ang ibig sabihin ng salitang ‘kontrobersiya’?
Dalawang salitang Latin ang nasa ubod ng salita: ‘contra’ at ‘versus’. Ang literal na ibig sabihin ay pagsalungat sa isang panig. Kaugnay ng salita ang kontra at control. May kabilang panig lagi. Kaya may kontrobersiya ay dahil nakikita natin ang kabilang panig na karaniwan ay hindi natin inaasahan.

Kaya kontrobersyal ang mga usapin hinggil sa katiwalian dahil kabilang panig ito ng maayos na paglilingkod na dapat asahan. Kontrobersyal din ang mga eskandalo hinggil sa mga artista dahil iisang panig lang ang nakikita natin sa kanila, iyong laging maganda at pinaghahandaan.
Kaya kung may kakaiba, napagtutuunan ito agad ng pansin bilang kabilang bahagi ng kanilang personalidad. Ikaw, ano ba ang huli mong nasagap na kontrobersiya?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy