Una sa Balita

Kalikasan protektado sa reclamation – Lani

0 402

TINIYAK ni Bacoor Mayor Lani Mercado Revilla na kasama ng anumang isinusulong na plano ng pag-unlad ang proteksyon sa kalikasan.

Sinabi ito ni Mayor Revilla kaugnay ng isinusulong na 420 ektaryang reclamation project sa lungsod.

Kaugnay naman sa reklamong inihain sa Ombudsman ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) laban sa lokal na pamahalaan ng Bacoor, sinabi ng alkalde na hindi pa sila nakakakuha ng kopya ng reklamo laban sa kanila.

Nanindigan din ang lokal na pamahalaan sa kanilang posisyon na ang panukalang proyekto ng reklamasyon ay sumusunod sa mandamus ng Sup­reme Court at sa direktiba ng Pangulo na paunlarin ang lahat ng bayan sa bansa.

Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na istrikto ang kanilang pagsunod sa proseso, katulad ng pagsasagawa ng mga public consultation upang marinig ang lahat ng panig kaugnay sa panukalang proyektong ito.

Ayon kay Revilla, kikita ng karagdagang P1.8 bilyon kada taon ang pamahalaang lungsod mula lamang sa dagdag na turismo dahil sa reclamation project at magkakaroon pa ng aabot sa 700,000 bagong trabaho para sa mga residente ng Bacoor at buong probinsya ng Cavite.

Sa ginawang konsultasyon noong nakaraang buwan, nagbigay ng garantiya si Revilla na mayroong nakalaang in-city relocation para sa mga apektadong informal settler family at mangingisda sa lungsod.

Nitong nakaraang Nobyembre, muling nasungkit ng Bacoor para sa ikalimang sunod na taon ang Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of Interior and Local Government bilang pagkilala sa integridad at maayos na pamamahala ng mga pinuno ng lungsod, kung saan environmental management ang isa sa pangunahing batayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More