Una sa Balita

Kaligtasan sa trabaho

0 159

Sa mga araw-araw na kumakayod, pag-usapan natin ang ating pangalawang bahay, ang ating opisina, lokasyon, paaralan o kung saan man ang ating workplace. Mahigit sa isang-katlo ng mag­hapon o walong oras ang igi­nugugol natin dito kung kaya’t kailangan makasiguro na ligtas tayo sa mga aksidente at sakuna rito. Kung ang ating bahay ay pinanatili nating malinis at maayos, sa pinagtatrabahuhan din dapat. Kadalasan, ang mga panganib sa trabaho ay mga kemikal, sunog, kuryente, at mga nahuhulog at naaaksidente. May anim na kategorya nito.

A. Biological, mga sakit dulot ng bacteria, virus, dala ng mga insekto at hayop na makakadala ng sakit.

B. Chemical, dahil sa uri ng mga kemikal, maaaring maging mapanganib ito

C. Pisikal, ang aktuwal na kapaligiran ng ating pinagta­trabahuhan

D. Safety, kaligtasan natin at nating lahat,

E. Ergonomic, dapat tayo ang komportable at hindi salungat sa ating mga kaga­mitan, at

F. Psychosocial, hindi lang ang pansariling sikolohi­yal na kondisyon pati ang pakikitungo sa iba ang bibig­yan ng pansin

Gusto nating maiwasan ang mga ito at ang mga kumplikasyong dulot nito, maging tayo ang boss o tayo ang empleyado.

Eto ang pangilan-ngilang mga dapat tandaan natin.

1. Tayo ang may responsibilidad sa ating sariling kaligtasan at pati na rin sa mga ibang tao, maging mga kasamahan natin o mga bisita o kliyente.

2. Alalahanin natin na lahat ng aksidente ay maiiwasan.

3. Huwag magmadali. Makakarating tayo sa a­ting paroroonan, matatapos din natin ang ating mga gawain. Huwag mag-short cut. Sundin natin ang mga patakaran dahil para sa atin din naman ito.

4. Kung tayo ay hindi handa, nag-ensayo o hasa sa isang bagay, huwag natin galawin o pakialaman. Mayroong responsable sa mga bagay na ito.

5. Gamitin ang mga tama at nakatakdang mga ka­gamitan at gamitin sa tamang pamamaraan.

6. Siguraduhin din sa maayos ang kapaligiran ng trabaho bago mag-umpisa.

7. Maayos na pananamit ang kailangan. Komportable na damit at hindi nakakadulas na sapatos.

8. May tamang oras ang pagbibiro at paglalaro, may tamang oras din ang pagtrabaho. Huwag natin pagsabayin ang dalawa.

9. Maging masinop sa ating pinagtatrabahuan, huwag maging makalat.

10. Gumamit ng mga personal protective equipment kung kinakailangan.

Depende sa ating trabaho, may kanya-kanyang personal na kagamitang pumoprotekta sa atin. Huwag balewalain at gamitin. Gamitin din nang maayos at tama.

Tayo ay nabubuhay kaya nagta­trabaho, gawin nating maayos ang ito para naman maayos ang buhay natin nang hindi madadagdagan pa ng mga ‘di kinakailangang aberya at kumplikasyon.

Hanggang sa susunod na Martes!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Aca­demy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talaka­yan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanu­ngan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More