Una sa Balita

Kaligtasan sa mga resort

0 259

Bukod sa isyu ng pangangalaga sa kalikasan na tinututukan ngayon mga tsong ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa mga sikat na bakasyunan sa bansa gaya ng Boracay, isa pa na dapat nilang siliping mabuti ay ang kaligtasan ng mga bakasyunista o turista.

Aba’y hindi biro ang sinapit ng pamilya ng news anchor na si Karen Davila nang magbakasyon sila sa Siargao Island, na kilala ring puntahan ng mga lokal at dayuhang tu­rista. Bukod sa magagan­dang tanawin, sikat din ang lugar bilang ‘surfing capital’ ng Pilipinas.

Batay sa kuwento ng brodkaster sa kanyang social media account, umupa sila ng surf instructor sa resort na kanilang tinuluyan para turuan ang kanilang dalawang batang anak. Pero hindi nagtagal, bumalik ang isang anak ni Karen na duguan dahil sa mga galos na tinamo sa katawan, braso at kamay na pinaniniwalaang pagkakasadsad sa matutulis na bagay sa tubig.

Ang tanong ng ating kurimaw, aba’y paano naman napunta o bakit naman tuturuan ang bata sa isang lugar na maaari palang may sabitan na matutulis na bagay ang bata? Mabuti na lang at hindi sa mukha natadtad ng galos ang bata.

Hindi natin masisisi si Karen kung magpuyos siya sa galit sa nangyari sa anak. Ayon sa dami ng galos ng bata sa katawan, malamang na marami rin siyang dugo na nakita nang hindi pa nalilinis ang sugat nito.

Abante Hiring – IT dep

Maaaring sa mga residente sa lugar eh hindi malaking isyu ang nangyari sa anak ni Karen dahil baka sanay na silang makaranas ng galos sa ganoong insidente, pero si­yempre iba para sa pamil­ya ng mga bakasyunista. Ang ma­tindi pa kasi nito, ayon sa brodkaster, walang first aid kit sa lugar at ilang kilometro ang layo ng pinakamalapit na ospital.

Dahil bakasyunista, na­tural na walang sasakyan sina Karen at ang may-ari raw ng resort ang nagdala sa kanila sa pinakamalapit na ospital na tinatayang 45 minuto ang biyahe. Eh papaano kung hindi pamilya ng isang ‘Karen Davila’ ang nasangkot sa aksidente? May sasakyan kayang maghahatid sa kanila sa ospital o mapipilitan silang mag-tricycle lang?

Ang matindi pa nito, wala raw sapat na gamot sa pinakamalapit na ospital na kanilang napuntahan tulad ng anti-tetanus. Ang dahilan, 5th class municipality daw ang lugar at walang nakukuhang suporta sa lokal na pamahalaan.

Kung tutuusin, kahit nauwi sa bad trip ang masaya sana nilang bakasyon, eh masuwerte pa naman ang pamilya ni Karen dahil buhay ang kanyang anak. Gaya na lang ng isang insidente sa isang resort na may swimming pool, isang bata ang naliligo sa pool na pambata. Nang sandaling malingat ang ina, napunta na pala ang bata sa katabing pool na pangmatanda na malalim. Ang resulta, nalunod ang bata.

Kahit sabihin pa na nagkaroon ng pagkukulang ang magulang, maaaring hindi nangyari ang trahedya kung may lifeguard o tagabantay sa resort na sasaway sa mga batang pasaway o napabayaan ng magulang.

Kaya dapat lang na suriin din ng Department of Tourism at maging ng Department of Health ang mga usaping pangkaligtasan sa mga resort, at makapagbigay sila ng ayuda para may makasaklolo kaagad sa mga bakasyunista o turistang malalagay sa katulad na sitwasyon ni Karen. La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”