Una sa Balita

Kaligtasan ang unang isipin 

0 369

Kung pagbabasehan natin ang mga lu­malabas na ulat tungkol sa kaguluhang nangyayari sa Tripoli, Libya, mukhang dapat yatang umuwi na muna sa Pilipinas ang mga kababayan nating nagtatrabaho doon.

Dahil tumitindi ang bakbakan ng mga magkakalabang grupo sa Libya na nahaharap ngayon sa civil war, inilagay ng pamahalaan ng Pilipinas sa alert level 3 ang sitwasyon doon. Ibig sabihin, kaila­ngan nang ilikas ang mga Pinoy sa Tripoli at mga kalapit nitong lugar.

At kamakailan nga, isang Pinoy na ang nasaktan ng rocket attack nang tumama ito sa kaniyang tinutuluyan. Mabuti at nakaligtas siya. Isang ospital naman na may mga Pinoy din na nagtatrabaho ang pinatamaan din ng rocket. Mantakin n’yo mga tsong, kahit ang mga ospital at bahay ng mga sibilyan ay tinatarget.

Sa kabila nito, habang isinusulat natin ito, sa mahigit 1,000 Pinoy na nandoon, wala pa yatang 100 sa kanila ang nagpahayag ng kagustuhang lumikas. Hindi natin alam kung ano ang kanilang dahilan kung bakit ayaw pa nilang umalis muna ng Libya. Baka hindi pa siguro ganung katindi ang bakbakan sa lugar nila, baka nanghihinayang sila sa kita, baka wala na silang uuwian sa Pilipinas, o baka iniisip nila na wala ring mangyayari sa kanila sa Pilipinas kapag umuwi kaya mabuti pang magbakasakali doon.

Samantala, napakanta sa tuwa ang isa nating kurimaw nang mabasa ang balitang pinatutsadahan ng singer-actress na si Regine Velasquez si Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin, dahil sa tila pagtrato nito na ‘usaping taklobo’ lang ang nangyayari sa Scarborough Shoal.

Nito kasing mga nakaraang mga araw, uminit na naman ang ulo ng maraming Pinoy nang maibalita kung gaano katindi ang ginagawang pagkuha ng mga mangi­ngisdang Tsino sa mga taklobo sa Scarborough, na bagaman bahagi ng teritoryo ng Pilipinas eh bantay-sarado naman ng China.

Sabi ni Locsin, hindi siya makikidigma nang dahil lang sa mga taklobo pero dapat daw bayaran ng China ang mga pinagkukuha nito. Tanong ng ating kurimaw na mahilig kantahin sa videoke ang mga kanta ni Regine, ano raw kaya ang iniinom ng kalihim at sa tingin niya eh magbabayad ang China? Hindi naman daw inorder ng China ang mga taklobo, ninanakaw. Saka papaano nila titimbangin ang mga ninakaw na?

May katwiran ang ating kurimaw. Katunayan, ang posisyon ng China, sa kanila ang Scarborough kaya nga inagaw nila sa Pilipinas. Gusto pa nga nilang palabasin na magpasalamat tayo dahil pinapayagan nilang makapangisda sa labas ng shoal ang mga Pinoy kahit kakaunti ang nahuhuling isda doon.

Matapang na sabi ni Regine, akala raw niya eh matalino si Locsin pero bakit taklobo lang ang nasa isip nito sa isyu ng Scarborough at hindi pananakop? Aba’y isa pala si Regine sa mga ta-artits na mulat sa isyu. 

Kahit si Senador Ping Lacson, nais na magkaroon ng matapang na pahayag ang pamahalaan at DFA sa ginagawa ng China—sa pagkuha ng mga likas-yaman sa mga teritoryo natin at pagpasok ng mga sinasabing ‘militia’ o sibilyang armado, na kunwaring hindi alam ng China.

Ang problema, sinabi na ng pamahalaan ng Pilipinas na ayaw nitong makipagdigmaan, at ganun din naman ang China. Wala ngang gusto ng digmaan pero walang puknat ang China sa pagsakop at pagpasok sa teritoryo ng Pilipinas, na isang malaking insulto. At saka kapag pumalag ba sila sa ginagawa ng mga mangingisdang Tsino at ‘militia,’ na kunwaring hindi alam ng China, eh giyera agad ang mangyayari? Bakit ang China, ‘matapang’ na pinapangatawanan ang ginagawa nila? 

Noong nakaraang administrasyon ni ex-Pres. Noynoy Aquino, hindi siya nakipagdigma pero gumawa siya ng ligal na hakbang at idinemanda ang China sa Arbitral Tribunal ng UN. Ang paborableng desisyon na iyon sa Pilipinas ang pinaghahawakan ngayon ng mundo na hindi sa China ang pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea. Kaya puwedeng maglayag doon ang barko ng ibang bansa kahit walang pahintulot ng China.

Kaya tanong ng ating kurimaw, kailan kaya makakatikim ng mura at ngarat ang mga Tsino? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy