Una sa Balita

‘Kalderon Ginto’ ni Cayetano Sunog!

0 675

KUMUKULO at nag-iinit ang ulo ng mga tao sa binuking ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na P55 milyon ang ginastos sa pagpapatayo ng stadium cauldron para sa nalalapit na 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Nag-trending pa sa social media ang ‘Kalderong Ginto’ na hango sa teleseryeng ‘Kadenang Ginto’ dahil sa mala-gintong presyo ng pagpapatayo ng nasabing cauldron.

Kaya sa deliberasyon ng panukalang budget ng Philippine Sports Commission (PSC), inusisa ng ilang senador ang napakalaking gastusin sa SEAG, kabilang na rito ang kontrobersyal na kaldero.

Napilitang umupo si House Speaker Alan Peter Cayetano upang idepensa ang kaldero at budget para sa SEA Games.

“The cauldron that has been put in the spotlight is cheaper than what was built by Singapore four years ago, P63 million. Then ‘yung sa Singapore hindi po sa national artist,” pahayag ni Cayetano, chair of the Philippine Southeast Asian Games Committee (Phisgoc) Foundation Inc.

Ang cauldron na idinisenyo ng yumaong national artist for architecture na si Francisco ‘Bobby’ Mañosa ay ginawa sa ilalim ng pamamahala ng PSC.

Pagbibida ni Cayetano, ang pagtatayo ng cauldron ay maituturing na isang ‘work of art’ at simbolo umano ng SEA Games.

“The cauldron is the symbol, it’s not one of the symbols, it’s the symbol of the games whether it’s Olympic games or SEA Games and it’s a work of art,” ani Caye­tano.

“While some people may see a cauldron, we see a monument, we see the athletes, we see the burning flames that represent hope and the fighting spirit,” dagdag pa nito.

Nagpa-interview din ito sa mga repor­ter para lang idepensa ang budget ng SEA Games. Pero nang matanong kung dumaan sa bidding ang kaldero, sinabi nitong bahala na ang Commission on Audit (COA) kung kukuwestyunin ito.

“Dadaan naman ito sa COA audit,” sambit pa niya.

Noong Lunes, pinuna ni Drilon ang pagtatayo ng 50-metrong taas na cauldron sa harap ng katatayo lang na New Clark City Athletics Stadium na aniya’y napakamahal.

Gumastos ang PSC ng P4.4 milyon para sa design, P13.4milyon para sa pundasyon at P32 milyon naman para sa konstruksiyon nito.

Ipinagtanggol din ni Cayetano ang P1.5 bilyong pondong inilaan sa Phisgoc na kanyang pinamumunuan.

Aniya, may pinasok silang memorandum of agreement sa PSC kung saan ito ang magbibigay ng pondo sa Phisgoc.

Samantala, isiniwalat naman ni Albay Rep. Joey Salceda na ang P55-milyong stadium cauldron para sa nalalapit na Southeast Asian Games ay pinondohan gamit ang multi-bilyong lump sum allocation sa ilalim ng 2019 National Budget.

Sa isang panayam ng ABS-CBN news channel nitong Martes, ipinaliwanag ni Salceda kung bakit napahintulutan ang pagbuo ng multi-milyong New Clark City cauldron gamit ang P5-bilyong lump sum para sa PSC na bahagi ng General Appropriations Act ng kasalukuyang taon na inaprubahan ng Kongreso noong Marso.

“Lump sum kasi ‘yun… for staging Southeast Asian Games. Nakalagay lang dun, ‘Southeast Asian Games facilties’,” wika Salceda.

Ang P5 bilyong lump sum ay bahagi ng annual budget ng PSC para sa 2019.
Ang nasabing pondo ay orihinal na nakalaan para sa Department of Foreign Affairs base sa 2019 National Expenditure Program (NEP) noong si Cayetano pa ang namumuno sa nasabing ahensya.

Ang nasabing multi-bilyong lump sum ay inilipat ng Senado sa PSC noong kasagsagan ng budget deliberations para sa 2019 budget, base na rin sa suhestyon ng kasalukuyang kalihim ng DFA na si Sec. Teddy Boy Locsin.

Samantala, tinawag naman ni Salceda na “Imeldific” ang itinayong SEA Games cauldron sa New Clark City dahil grandiyoso ang pagkakabuo nito, subalit dinepensahan niya din kung bakit ganu’n kalaki ang ginastos para sa nasabing monument.

“‘Yung P55 million kapag tiningnan mo ‘yung cauldron, mukhang reasonable naman kaso ‘Imeldific’ yung dating, may grandio­sity,” saad ni Salceda.

“Imeldific, yes. But I think it is only proportional to the new and bolder character of the Filipino as coming of age and breaking into the field of emerging tigers,” dagdag pa ng kongresista. (Dindo Matining/JC Cahinhinan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy