Una sa Balita

Kaldero pasikatin sa Bagong Taon

0 337

Nagbigay ng ilang tips ang Department of Health (DOH) para tiyakin na mas ligtas ang pagdiriwang ng publiko sa Pasko at pagsalubong sa taong 2020.

Ito ay bahagi ng ‘Oplan Iwas Paputok’ campaign ng pamahalaan sa pangunguna ng DOH, katuwang ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno.

Mas mainam na ipagdiwang na ligtas ang Pasko at Bagong Taon kasama ang pamilya at sa halip na magpaputok ay lumikha na lamang ng ingay gamit ang ibang bagay tulad ng torotot, busina, musika, lata at ang kontrobersyal na ‘kaldero’ at iba pa.

Maaari rin umanong makisaya sa ibang paraan tulad ng street party, concert, piano, palaro at iba pa.

Iginiit ng DOH, mas mabuti umano kung hindi na magpapaputok at sa halip ay itaguyod at makilahok na lamang sa community fireworks display.
Sinabi ng DOH na dapat nang matuto ang publiko sa mga aral ng nakaraan at magsimula nang maayos na buhay sa Bagong Taon.

Magugunita na sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na target nilang mapaigting ang kampanyang Oplan Iwas Paputok.

Kabilang sa mga tututukan ay ang mga bata na kadalasang nabibiktima ng mga paputok.

Nais ng DOH na makakamit na nila ngayong taon ang ‘zero firecracker-related injury’. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More