Una sa Balita

Kalbaryo sa Kuwait! (3)

By
0 101

Unang bahagi

Labis ang naging pagsisisi ng isang ginang nang magpasya siyang magtrabaho bilang domestic helper sa bansang Kuwait matapos maranasan, hindi lamang ang sobrang bigat at hirap sa pagtatrabaho kundi maging ang pisikal at emosyonal na pananakit sa kanya ng kanyang mga naging amo.

Ganito isinalaysay ng overseas Filipino worker (OFW) na si Nelia Magtoto, 44-anyos, may apat na anak, tubong San Rafael Proper Tarlac City ang kanyang naging karanasan sa kamay ng mga naging amo sa maikling panahon pa lamang ng kanyang pagtatrabaho na kanyang ibinahagi sa Abante sa pamamagitan ng ipinadalang e-mail sa kanyang nakakatandang kapatid na si Nina M. Dayrit na nasa Pilipinas.

Inakala kasi ni Nelia, na ang pagtatrabaho niya sa ibang bansa ang mag-aahon sa kanilang kahirapan at makapagbibigay ng magandang kinabukasan sa kanyang apat na anak pero huli na nang matuklasan niyang impiyerno pala ang kanyang kinasadlakan.

Si Nelia ay umalis noong Oktubre 21, 2015 patungong Kuwait at may walong buwan na siyang nagtratrabaho doon bilang domestic helper at nakatatlong employer na siya.

Sa kanyang ibinaha­ging karanasan, nagtungo siya sa Kuwait para manilbihan bilang tagapag-alaga ng isang bata at maglingkod na rin sa ina nito na nagkataong hiwalay sa asawa na siyang kumuha sa kanya at kinilala niya bilang kanyang amo.

Dahil nga hiwalay ang ginang sa kanyang amo, tumira ang mga ito sa bahay ng kanyang mga magulang at dito na rin siya pinatira upang maalagaan ang tatlong taong gulang na bata.

Dito na nagsimula ang kanyang kalbaryo dahil bukod sa aniya ay maldita ang mga babaeng kapatid ng kanyang pinagsisilbihan o employer, salbahe rin ang ibang mga bata na kadalasan ay dinuduraan siya sa mukha at binabato ng kung anong bagay na mahawakan.

Kahit may ilan siyang kasamang domestic helper sa malaking bahay, siya pa rin ang pinaglilinis ng silid at banyo na hindi naman niya tungkulin bilang yaya.

Ginagampanan naman niya ito dahil katuwiran ni Nelia, nagtungo siya sa naturang bansa upang magtrabaho.

Pero bukod sa paglilinis at iba pang gawain, ginawa pa siyang ta­gapag-masahe, tagapag-linis ng paa at kuko ng mga kapatid na babae ng kanyang among babae at sinasaktan o kinagagalitan pa kapag hindi nagustuhan ang kanyang serbisyo.

Ipinamumukha pa umano ng mga kapatid ng kanyang amo na malaki ang ibinibigay nilang sahod kahit hindi naman totoo kayat kailangan niya itong pagtrabahuhan nang maayos dahil kung hindi ay kakaltasan ang kanyang buwanang suweldo.

Hindi na lang na­ngangatuwiran ang OFW dahil sa takot na baka lang siya saktan ng mga ito kaya’t kahit na sunud-sunod ang utos at kung anu-ano ang ipinadadala sa kanya paakyat o pababa sa ikawalang palapag ng malaking bahay ay kanyang pinagtitiyagaan sa takot na baka siya’y saktan.

Dahil sa labis na kapaguran, minsan ay sinumpong na siya ng sakit na ‘asthma’ at hindi siya makahinga sa kanyang pagtulog kaya’t pati mga kasamahan niyang domestic helper ay nataranta nang makita ang pamumutla na ng kanyang mukha at kahirapan sa paghinga.

Ayon kay Nelia, idinaan na lang niya sa pagdarasal na sana’y huwag siyang abutin ng kamatayan sa ibang bansa dahil nais pa niyang makapiling ang kanyang mga anak habang panay ang hagod sa kanyang likod ng mga kasamahang domestic helper hanggang sa gumanda na rin ang kanyang pakiramdam.

Aniya, walang nagsabi sa kanyang amo sa nangyari sa kanya at hindi rin niya ito sinabi dahil kilala niyang mataray at suplada ang kanyang amo.

“Tiniis ko po ito ng ilang araw pero nakakaramdam na ko ng panghihina kaya’t nang makakuha ako ng tiyempo na malamig ang ulo ng amo ko ay hiniling ko sa kanya na pauwiin na lamang niya ako kapag naka-pitong buwan na ako sa pagtatrabaho dahil lumalala ang aking asthma at baka ang amo ko pa managot kung dito pa ako abutan ng kamatayan” salaysay pa ni Nelia sa kanyang ate na si Nina.

Ngunit biglang uminit ang ulo ng kanyang among babae at sinabihan siyang sinungaling at kung anu-ano pang masasakit na salita. Pinapili siya ng among babae kung nais pa niyang magtrabaho o ibalik siya sa ahensiya at dahil mas nais na niyang makaalis sa naturang bahay, pinili niyang ibalik na lang siya sa ahensiya sa pag-asang makakahingi siya ng tulong dito para makauwi na ng bansa. (Itutuloy)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy