Una sa Balita

Kalbaryo ng mga PWD 

By
0 844

Nitong nagdaang panahon ng Kapaskuhan, dagsang tao ang nagtungo at nagsiksikan sa mga mall at pamilihan. Kanya-kanyang unahan sa pamimili at sa mga nag-ahas na pila sa counter para matapos nang maaga. Pero bago pa ang unahan sa loob ng pamilihan, nariyan ang agawan at pwestuhan sa parking.

Kanya-kanyang singit basta magkasya, diskarte sa pwesto at pagsampa sa bangketa para lang masabing may nakuhang paradahan.  

Sa sobrang abala sa sari-sariling lakad, may isang sektor ng lipunan na tila nakaligtaan. Kasabay din natin silang nagtutu­ngo sa mga mall dahil ­tulad natin, namimili rin sila ng pangregalo at namamasyal kasama ang pamilya – ang mga ka­patid nating PWD o Persons With Disabi­lities.

Sa kaguluhan ng pagkuha ng mapaparadahan, hinaharangan ang PWD ramp na tanging paraan ng mga naka-wheelchair nating kababayan na makasampa sa bangketa mula sa kalsada. Dahil sa daming kotseng nakasampa sa bangketa, wala tuloy silang maayos na madaanan. Maging ang PWD parking na dapat ay may sapat na espasyo para sa mga wheelchair, sinisiksik ng mga sasakyan kaya’t nawawala ang kanilang access.

Aba’y Pasko pa lang noon pero ginawa nang Biyernes Santo ang kanilang buhay.
Sa kabila ng mandato ng Batas Pambansa 344 at Implementing Rules nito na nag-oobliga sa lahat na ayu­sin ang PWD accessibility, marami pa rin ang hindi sumusunod o ‘di kaya’y kulang sa kaa­laman tungkol dito. Isa rito ang mga sekyu dahil imbes na magbigay-kaayusan at siguruhin na masusunod ang patakaran, sila pa minsan ang nagi­ging promotor sa pag­labag dito.

May ilan sa kanila na nagpapasiksik sa PWD parking, kaya’t sa halip na may accessible space para sa wheelchair, nababalandra­han ito ng mga dagdag na sasakyan. Sila pa ang nagpapaparada sa tapat ng rampa o nagpapasampa sa bangketa. Isa sila sa mga dapat bigyan ng tamang kaalaman upang lubos nilang maunawaan ang kahalagahan ng mga espasyong ito sa mga kababayan nating PWD.

Ako po ay may ka­patid na PWD na halos buong buhay ay naka-wheelchair. Kita ko ang mga bagay na chicken-feed lang sa atin ngunit kalbaryo para sa kanila araw-araw. Simpleng disenteng madaraa­nan, masasampahan, at mapagpaparada­han, naipagkakaila pa sa kanila dahil sa pagi­ging manhid at insensitibo ng ilan sa kanilang kalagayan.

Sana, sa mga susunod na pagkakataon, sa bawat pagkilos natin, isipin at isaalang-alang natin sila. ‘Yan na ang pinakasimpleng paraan para makiisa sa patuloy nilang pagi­ging produktibong miyembro ng lipunan.