Una sa Balita

Kalayaan!

By
0 319

Ika-12 ng Hunyo, 1898, nagtipon-tipon ang mga Filipino sa Kawit, Cavite para tunghayan at makiisa sa bunga ng dalawang taong rebolusyon na pinangunahan ng Katipunan, at daang-taong pakikipaglaban ng ating lahi laban sa mga mananakop na kastila.

Dakong alas-kuwatro nang hapon, binasa ni Ambrosio Rianzares Bautista sa balkonahe ng tahanan ni Hen. Emilio Aguinaldo ang Deklaras­yon ng Kasarinlan.

Kasabay nito ang pagwagayway ng ating bandila na itinahi nina Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo, at Delfina Herboza sa Hong Kong. Sinundan ito nang pagtugtog ng San Francisco de Malabon marching band ng ating pambansang awit – ang Marcha Filipina Magdalo na likha ni Julian Felipe – na ngayo’y Lupang Hinirang.

Pero alam niyo ba na kailan lang kinilala ang ika-12 ng Hunyo bilang araw ng ating Kala­yaan? Mula kasi 1898 ay hindi ito kinilala ng mga Kastila at ng mga Amerikano na pilit din tayong sinakop.

Mula 1902 hanggang 1946 kasi ay pinamunuan tayo ng gobyernong itinatag ng Amerika, hanggang matapos ang ikalawang pandaigdigang digmaan. July 4, 1946 nang sabihin ng Amerika na binigyan na nila tayo ng kalayaan sa pamamagitan ng Treaty of Manila.

Noong August 4, 1964 lamang tuluyang kinilala ang June 12 bilang tunay na araw ng ating Kalayaan. Ito ay matapos pirmahan ni Presidente Diosdado Macapagal ang Republic Act No. 4166 – ‘An Act Changing The Date Of Philippine Independence Day From July Four To June Twelve.’
Bukas, ipagdiriwang natin ang ating ika-120 Araw ng Kasarinlan. Kaakibat ng kasarinlan ang mga kalayaang ipinaglaban ng ating mga ninuno – na pinuhunan ng kanilang mga sakripisyo, dugo at pagbuwis ng buhay.

Mahaba-habang panahon na nga ang lumipas, at dahil sa modernong panahon, tila napakadali nang makalimutan ang ating kasaysayan. Dahil sa teknolohiya at sa iba’t ibang maaaring puwedeng pagkalibangan, sobrang abala na ng lahat lalo na ng henerasyong ito.

Hindi naman masama na mabuhay sa kasalukuyan dahil hindi naman tama na mamuhay sa nakaraan. Ngunit, mali naman na kalimutan ang ating mga pinagdaanan. Tandaan na ang hindi lumingon sa pinaggali­ngan, hindi makarara­ting sa paroroonan.

Mahigit isang siglo man ang lumipas na, kailangan nating ipagpatuloy ang sinimulan ng mga bayaning nauna sa atin para pangalagaan at pagyabungin pa ang mga kalayaang tinatamasa natin ngayon.

We can do this by the responsible exercise of our rights and freedoms – ang pagkilala hindi lamang ng ating mga pansariling karapatan at kalayaan, kundi ang pagkilala at paggalang sa karapatan at kalayaan ng ating kapwa. Kung ito ang mangyayari, lalago at yayabong tayo.