Una sa Balita

Kalaro ay engkanto

0 405

Mga ka-Misteryo nu’ng bata ba kayo ay meron kayong imaginary friends na karaniwan ay kausap at kalaro natin?

Ito ang karanasang ibinahagi sa akin ni Eddie ng Cubao, Quezon City. Ang ating misyon: “Kapag may Misteryo, Alamin ang Totoo.”

Anim na taong gulang lamang si Eddie noon nang ang kanyang pamilya ay lumipat sa Bulacan. Isang maluwag na lote na may mga puno sa paligid ang nalipatan ng kanyang pamilya.

Isang araw ay niyaya si Eddie ng kapwa bata para maglaro at naengganyo siya lalo na at bagong salta siya sa lugar.

May isang batang babae na nakaputing damit ang biglang lumapit sa kanya at niyaya siyang maglaro. Nakangiti ang batang babae ngunit hindi maalala ni Eddie ang pangalan.

Nakihalubilo ang batang babae sa iba pa niyang kalaro at masa­yang-masaya sila… hanggang isang araw ay may nagbago na kay Eddie.

‘Pag sumusulpot ang kanyang kalaro ay big­lang nawawala siya sa sarili, nanlilisik ang mga mata at dito takot na takot ang iba pa niyang kalaro.

May pagkakataon na biglang nagsasalita ng ibang wika si Eddie habang siya ay nanginginig na parang kinukombulsiyon at iba ang kanyang boses.

“Hindi ko makontrol ang sarili ko. May ibang puwersa sa aking katawan at wala akong magawa,” pagtatapat sa akin ni Eddie.

Mula noon ay sunod-sunod na gabi na nag­lalakad habang tulog o sleepwalking si Eddie at hindi niya maalala kinabukasan kung ano ang nangyayari sa kanya.

Related Posts

Hindi maalala ni Eddie kung gaano katagal siyang ganito hanggang sa ipagamot siya sa albularyo. Tinawas siya at lumitaw sa natunaw na kandila na pumatak sa isang mangkok ng tubig ang hugis ng batang babae.

“Nabati ka ng engkanto at naging magkaibigan kayo,” ayon sa albularyo.

Nang tanungin ng ina ni Eddie ang albularyo tungkol sa gabi-gabing ‘sleepwalking’ ng anak. Sumagot ang albularyo: “Laging isinasama si Eddie sa kanilang kaha­rian.”

Sa kuwento ni Eddie sa akin, hindi niya maalala kung ano ang nangyayari sa kanya habang nagla­lakad nang tulog. Bagaman may mga nagsabi na karaniwang ipinapasyal sa dimensiyon o kaharian ng mga engkanto ang sinumang kursunada nilang tao.

Sabi ng mga matatanda, ‘wag kakainin ang anumang iniaalok ng mga engkanto para makabalik pa sa daigdig ng mga tao.

Hindi maalala ni Eddie kung gaano katagal siyang ginamot ng albularyo at tila malinaw lamang siyang nahimasmasan nang lumipat sila sa Cubao.

Sa maraming taon ko nang sinaliksik ang ganitong pangyayari, maraming dahilan kung bakit pilit na nakikisalamuha ang mga engkanto sa dimensiyon ng mga tao. Gusto nilang mabuhay bilang tao kaya sumasanib sila. Ang matindi nito, ikinukulong nila sa kanilang dimensiyon ang kaluluwa ng kanilang biktima. Habang ‘yung ibang engkanto, gusto nilang kalampagin ang tao na pahalagahan ang kalikasan, nagagalit sila sa walang habas na pagsira sa kagubatan.

Masama man o mabuti ang intensiyon ng mga engkanto, para sa akin mahalaga ang respeto sa isa’t isa gayunman ang anumang masamang ginawa ay dapat may katapat na parusa.

Para sa inyong kakila-kilabot at nakakatakot na karanasan, mag-email sa misteryophilnet@gmail.com. Bisitahin: www.reytsibayan.com.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy