Una sa Balita

Kalaban ni Cayetano, inendorso ng partido ni Duterte

NP-PDP nalamatan sa Taguig

0 1,132

Mukhang tuluyan ng mag-wawakas ang kasalukuyang alyansa sa pagitan ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP Laban) at Partido Nacionalista (NP) matapos i-endorso ng partido ni Pangulong Rodrigo Duterte ang makakalaban ni dating Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano sa distrito ng Taguig-Pateros.

Ayon sa ilang mapagkakatiwalaang source ng Abante, bad trip umano ang kampo ni Cayetano sa ilang matataas ng opisyal ng PDP matapos nitong maba­litaan noong isang linggo na inendorso ng mismong partido ng Pangulo si Allan Cerafica na kanyang makakalaban bilang mambabatas ng Taguig-Pateros sa halalan sa susunod na taon.

Si Cerafica ay kapatid ni incumbent Taguig-Pateros Rep. Arnel Cerafica na tatakbo namang alkalde ng Lungsod ng Taguig, sa ilalim din ng PDP. Makakaharap ng nakatatandang Cerafica sa susunod taon sa labanan ng pagkapunong-lungsod ng Taguig ang kapatid ng dating kalihim na si dating Rep. Lino Cayetano.

Ang mga Cayetano at ang Partido Nacionalista ay kilalang ding malapit na kaalyado ng Administrasyong Duterte maliban sa kanyang mga ka-partido.

Paliwanag ng mga source, dismaya­do umano ang mga Cayetano, at tila ba sadyang binastos sila ng partido ni Duterte dahil maliban sa tinapatan sila ng ibang manok sa kanilang balwarte, ay na-balewala din ang alyansa sa pagitan ng PDP at Nacionalista.

Balak ni Cayetano na muling bawiin ang kanyang dating puwesto bilang kongresista ng Taguig-Pateros bilang panimula sa kanyang pangarap na sungkitin ang liderato ng Kamara sa susunod na taon.

Samantala, base sa dalawang hiwalay na sumbong na natanggap ng Abante mula sa Kamara, wala umanong kinalaman si Pangulong Duterte sa desisyon ng kanyang partido na tapatan ang mga Cayetano sa Taguig.

Dagdag pa ng mga nasabing source, ang nasa likod umano ng pagbibigay ng PDP Laban ng certificate of nomination and acceptance (CONA) sa magkapatid na Cerafica ay nag-mula sa kampo ni Senador Koko Pimentel.

Giit pa ng magkahiwalay na source, ang nagbigay umano ng CONA sa mag-utol na Cerafica ay si Engr. Salvador Ty, vice-president for National Capital Region (NCR) ng PDP Laban, matapos umanong makatanggap ng utos mula sa deputy chief-of-staff ni Pimentel na si Ronwald Munsayac. 

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy