Una sa Balita

Kakilala

By
0 634

Madaling sabihin na kakilala mo ang isang tao. Maaaring alam mo ang pangalan, tirahan, edad, trabaho, paaralan kung saan nagtapos, at iba pa. Kakilala mo lang siya. Hindi pa kaibigan.

Puwede ring acquaintance lamang ang isang kakilala. Hindi pa kaibigan. Iba ang kakilala sa kabatian o katanguan sa tuwing makakasalubong sa paglalakad halimbawa. Maaaring kasamahan mo siya sa trabaho o kaeskuwela na hindi na­ging malapit sa iyo.

Sa ating kultura, maituturing na kabalintunaan ang salitang ‘kakilala’. Mababang antas ng ugnayan sa kapwa kapag kakilala mo lamang isang tao. Mas mataas lang nang kaunti sa katanguan, kangitian, o kabatian.

Siyempre ang mas malalapit na ugnayan ay kapamilya, kaibigan, o kabarkada. Pero kung susuriing mabuti ang salitang ‘kakilala’, mapapansin natin na ito dapat ang napagtutuunan ng mabigat na ugnayan. Dahil kakilala mo siya.

Halimbawa, may mga tao tayong itinuring na kaibigan na matapos ang ilang panahon, nasubukan mo ang ugali na nalaman mong hindi pala maganda. Sasabihin mo, hindi mo na siya kaibigan dahil nakilala mo siya.

Sa usapin ng pera halimbawa, sa maliit na halagang inutang at hindi binayaran sa iyo ng kaibigan, sasa­bihin mo na nagpakilala ang taong ito sa maliit na halaga. Pagpapakilalang puputol sa ugnayan ninyo bilang magkaibigan. Magkakilala na lang.

Ang ‘pagkilalang’ binanggit sa katatapos na talata ay pag-alam o pagsisiwalat ng mas malalim na katauhan. Mas madilim na katauhan.

Iba naman ang pagpapakilala bilang introduksyon sa sarili. Ipinapakilala mo ang tungkol sa iyo: pangalan, tirahan, edad, trabaho, paaralan kung saan nagtapos. Pero hindi ang ugali na dapat sana, mas nakikilala ka.

Kilala natin ang tao kapag alam natin ang ugali niya, hindi lamang basta sa panlabas at paimbabaw na identidad. Kilalang-kilala kapag alam na alam lalo na ang tagong ugali.

Pero hindi nangangahulugan na kapag kilalang-kilala mo ang isang tao, kaibigan mo siya.

Dahil oo nga’t kakilala, hindi naman kanais-nais ang ugali kung bakit mo siya nakilala.

Bakit ko nasasabi ito? Kasi hindi madaling kumilala ng tao lalo na iyong mga personalidad na laging natututukan ng camera at laman ng balita. Artista o politiko halimbawa. O artistang politiko o politikong artista (oo, magkakaiba ito).

Mahirap silang makilala nang lubos dahil ang mga personalidad nila ay nabuo batay sa sitwasyon kung kailan sila itinatanghal sa madla. May mga artistang suplado pala sa personal pero mistulang napakabait kapag kinakapanayam sa telebisyon.

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes