Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kakanin ni Aging

0 393

Hindi ako mahilig sa suman. Pero nang matikman ko ang suman ng Aging’s Food Delight, naka-ilang balik ako dahil sa sarap! Nakabalot sa dahon ng saging na pa-trianggulo ang hugis, at may sorpresang laman na ube at leche flan sa loob ang suman ni Agie Mercado.

Nagsimula ang Aging’s sa Bagong Ilog, Pasig noong 2013. Mahilig kasi si Agie sa mga malagkit na kakanin na nakabalot sa dahon kaya’t naisipan nya itong gawing negosyo.

Noong una ay mga taga-Bagong Ilog lang ang nakakakilala sa kanila. Sumikat sila kahit sa malalayong lugar nang ma-feature sila sa mga morning shows sa TV at maging sa radyo. Mahilig ding sumali sa mga events si Agie kaya lalong nakilala ang kanyang mga produkto.

Dati ay ube at leche flan lang ang laman ng kanilang suman. Ngayon ay may laman na ring mangga, espasol, pinipig, tsokolate, choc-nut, langka at durian.

Si Agie at ang kanyang asawang si Greg ang mismong nagluluto ng suman at mga palaman nito. Nadagdagan ang kanilang kaalaman sa pagma-manufacture at safe food handling nang ipadala sila ng Mayor ng Pasig sa seminar ng Department of Trade and Industry.

Nang maka-graduate sa culinary school ang kanilang anak na si Greggie, nagdagdag na rin sila ng cake at tinapay sa kanilang mga produkto. Ang nag-boom ng husto ay ang kanilang ube cheese pandesal na ipinakilala nila sa kanilang suki dalawang taon na ang nakararaan.

Nang mag-lockdown, swerteng tuloy pa rin ang pagtitinda ng Aging’s dahil malaki ang demand sa tinapay. Kahit hirap sila sa raw materials, pinilit nilang makapag-bake ng tinapay araw-araw. Namigay rin sila sa mga malalapit na ospital para sa frontliners ng Rizal Medical Center, Pineda at Tri-City. Maging ang mga MMDA ay pinadalhan nila.

Ipinagmamalaki ni Agie ang kanilang ube cheese pandesal na gawa sa halayang ube na sila mismo ang nagluto at matiyagang naghalo, at cheese mixture na hindi tinipid. Aprubado ni Chef Editha Singian, kilalang food researcher at book author, ang kanilang ube cheese pandesal. Lasang lasa ang pinaghalong ube at keso sa paboritong tinapay ng mga Pinoy.

Puntahan ang kanilang FB page: Ang Original Suman na Espesyal sa Bagong Ilog (text 0929.841.0424) o bisitahin ang ating FB page: Patikim Nga.

Leave A Reply

Your email address will not be published.