Una sa Balita

Kailangang palitan ang mga lumang jeep

0 224

Nakakasulasok ang usok na ibinubuga ng tambutso, may kumakalampag sa ilalim ng sasakyan, at bigla na lamang tumitirik na kailangan pang itulak para tumakbong muli.

Mga pampasaherong jeep ito na bumibiyahe sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Hindi natin nilalahat subalit marami sa kanila ang luma na at kinakaila­ngan na talagang palitan.

Alam ng gobyerno na hindi ganoon kadaling ipatupad ang modernisasyon ng mga pampublikong transportasyon. Kaya naman mayroong inaalok na programa para sa pagpapalit ng mga lumang jeep.

Ang problema lamang ay mas pinili pa ng mga grupo ng mga pampublikong sasakyan ang magsagawa ng tigil-pasada para tutulan ang programang modernisasyon sa kanilang sektor.

Naipakita nga nilang mayroon silang puwersa at kayang magtigil-pasada subalit hindi ito naging dahilan para makisimpatiya sa kanila ang buong sambayanan.

Naging dahilan ang tigil-pasada ng pagtigil ng mga gawain sa mga paaralan at mga tanggapan ng pamahalaan.

Apektado pati ang mga manggagawa sa pribadong sektor na nahirapang makasakay para makapasok sa trabaho. Kawing-kawing ang negatibong epekto ng tigil-pasada.

Kailangang tanggapin na ng sektor ng pampublikong transportasyon ang katotohanan na dapat magkaroon ng modernisasyon.

Hindi sa hinaharap kundi ngayon na. Hindi puwedeng ipaghanapbuhay ang mga lumang sasakyan na nakakaperhuwisyo na sa kalusugan ng mga tao at sa ating kapaligiran.

May inaalok sa kanila ang pamahalaan kaya mas mabuti pang upuan nila ito at pag-usapan na lamang.

Walang patutunguhan ang tigil-pasada sa isang pamahalaan na naninindigan para sa kapakanan ng mas nakararami.