Una sa Balita

Kailangan palagi tayong handa sa oras ng kalamidad

0 329

Sa ating pagbabalik sesyon sa Senado, maraming panukalang batas ang ating nakatakdang talakayin at pagsisikapang maipasa bilang batas upang makatulong nang lubos sa ating hangaring mas mapabuti pa ang antas ng pamumuhay nating mga Pilipino ganu’n na rin, upang isulong ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Kaakibat nito ang isa sa ating prayoridad na masigurong ligtas ang lahat mula sa anumang banta ng sakuna. Bilang Chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, isa ito sa aking responsibilidad. Kaya naman maigting ang ating pagsuporta sa mga panukalang may kinalaman sa kaligtasan ng ating mamamayan.

Sa nakalipas na mga buwan, sunud-sunod ang mga dagok na ating kinaharap. Nariyan ang mala­lakas na bagyo, lindol at sa kasalukuyan, ang pag-aalburoto ng ­Bulkang Taal. Bunsod ng mga hamon na ito, nararapat lamang na pag-usapan at magbalangkas ng mga ideya at aksyon upang tayo ay maging laging handa sa mga kalamidad kung hindi man natin ka­yang pigilan ang mga ito.

Isa sa mga malinaw na hakbang ay ang panukalang pagtatatag ng isang kagawaran na direktang aayuda sa mga Pilipino sa panahon ng kalamidad. Ito ang layunin at nilalaman ng Senate Bill No. 1139 o ang “Department of Disaster Resilience Act of 2019”. Layunin ng naturang panukala na ma­ging efficient, coordinated at kumpleto ang sistema ng ating disaster management mula sa risk assessment hanggang sa emergency response at sa reintegration assistance and rehabilitation.

Maliban dito, ang naturang kagawaran na rin ang gagampan sa responsibilidad ng ilan sa mga ahensyang may direktang responsibilidad ukol sa kalamidad. Kabilang dito ang Office of Civil Defense, Climate Change Office ng Climate Change Commission, Geo-Hazard Assessment and Engineering Geology Section ng Mines and Geosciences Bureau, Health Emergency Management Bureau ng Department of Health, Disaster Response and Assistance and Mana­gement Bureau ng Department of Social Welfare and Development, Bureau of Fire Protection at ng ­Program Management Office for Earthquake Resiliency para sa Greater Metro Manila Area.

Dalangin ko na magkaisa ang lahat upang maisulong ang Senate Bill No. 1139 at ang iba pang katulad na ­panukala, ­dahil tunay na napakahalaga ng buhay na ­siyang nakataya sa bawat ­kalamidad.

***

Bukod pa sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience, tatalakayin din ng inyong Senado ang ilan pang priority legislative measures na nakatuon sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan. Kabilang sa mga ito ang mga sumusunod: Creation of A Philippine Water Commission, Potable Water Supply for every Barangay Act, Anti-Single Use Plastic Act, Anti-Terrorism Act, Separate Facility for Heinous Crimes Inmates, the Philippine High School for Sports

Act, Upgrading the Sa­lary Grade Level of Tea­chers, Teaching Supplies Allowance Act, Solo Pa­rents Welfare Act, ­Security of Tenure Act at ang ­Coconut Farmers & Industry Development Act. Sa tulong ng ating mga kasamahang senador, ang lahat ng ito ay masusi nating tatlakayin at pag-uusapan hanggang tuluyang maipasa sa lalong madaling panahon.

Tulad ng dati, umaasa ako sa suporta ng ating mga kababayan upang patuloy na maging ­epektibo ang Senado ng mga Pilipino.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More